MANGGA DI BUBUNGA NG SAGING!!??

Malalim at matalinghaga ang katuturan ng eksena ng Daplis ngayon pero mas malalim ang ugat nito kung huhukayin. Maraming katanungan at salasalabat na “bakit” ang kaakibat nito. Pero, kung ating lilimiin ang sanga-sangang buod…masasabi nating nangyayari nga bagama’t hindi sa lahat ng anyo at pagkakataon. Upang mas malinaw ang talinghaga ng eksenang ito, samahan niyo kami sa ating analisis:

Pinaka-praktikal at lantad na pagkukumpara ay nang nakabalik ang mga Marcos sa Malakanyang sa pamamagitan ni Presidente Bongbong Marcos Jr. Naungkat muli ang pangalan ng yumaong Ferdinand Sr. Kung ano raw kasi ang puno, siya rin daw ang bunga. Mabigat na akusasyon pero iisa ang mas praktikal na sagot ng mga analysts: kung apektado ang pangalan ni Bongbong dahil sa angkan….bakit sinuportahan ng higit 31Milyong botante noong eleksiyon kontra sa mahigpit sana nitong katunggali na may 14Milyones lang na suporta?

Kung mahina daw ang sana sipa at hatak ng pangalang Marcos…malayo sana itong bagsak sa kangkongan. Hindi sana siya nakabalik sa palasyo, tapik ng maraming nakakaunawa. Ang masaklap, hanggang ngayon, may mga taong ayaw pa ring sumuko at patalo. May karapatan silang pumuna kasi nasa demokrasya tayo. Dapat lang na ilagay sa lugal at legal ang puna. Sabi nga nila, sa pelikula…mas masarap daw ang sipa ng ending kung may kontrabida. Amen.

Kamakailan, may mga ulat hinggil sa paghalukay sa mga bulok sa loob ng ilang ahensiya. May natanggal at may kaso pa’t nasalang sila sa imbestigasyon. Ibig sabihin na hindi malinis ang galaw at serbisyo ng ahensiyang ito dahil sa bulok na lider. Pero hindi naman siguro tumpak na aakusahan nating bulok sila
lahat. Ang mga bulok na kamatis sa isang kaing, bago maminsala sa kabuoan, alisin at itapon na ito at palitan ng bago, di ba?

Pinakakonkretong ehemplo kamakailan ay ang nangyari sa Bilibid kung saan abot sa 160 ang tinaguriang “persons of interest” kasama na ang nasuspending hepe ng Bucor (Bilibid). Pero hindi naman pwedeng akusahang tama ang hinala hangga’t hindi tapos ang gagawing pagkaliskis sa pagkakadawit o pagkakasama ng kanilang pangalan. Kaya nga’t nang sinabi ng Southern Police District (SPD) na “lutas
na daw ang kaso ni brodkaster Lapid”…sinupla agad ito ng PNP at ng DOJ. Sabi, hangga’t di pa nalalaman kung sino ang mastermind…di pa tapos ang kaso. Matatapos din ito, sabi nila. Kailan? Papano?

Marami ang nagtaas ng kilay sa balitang gawing “optional” o hindi na “mandatory” ang pagsusuot ng
face mask sa mga indoor areas. Nakakabigla nga ngunit kung ito ang mangyayari, wala tayong magagawa kundi sumunod. Meron lang tayong nakitang isinabit sa ulat na sa mga transportasyon at serbisyomedikal
ay dapat may face mask pa rin at sa mga may sakit o mahina ang pangangatawan. Sa aming panig…base sa ating nakikita araw-araw lalo na sa downtown…mas marami pa rin tayong kababayan ang mas kalmanteng nakasot ng face mask.

Kung baga sa arawang lakad, pangkaraniwan ng gamit at suot ang face mask saan man sila naroon. Sabagay, para rin sa ating proteksiyon ito dahil aminin man natin o hindi…lagi na nating katabi si Covid ano mang variant meron ito sa ating lipunan. Kaya, nasa sa atin ang sarili nating proteksiyon. Balik tayo sa ulo ng eksenang ito ng Daplis hinggil sa mangga na di dapat mamunga ng saging kundi mangga pa rin.

Kaya lang depende kung tama ang panahon ng pagpitas o pagaani ng bunga upang matimbang ang tamis at asim. Sa bunga ng pamilya Marcos na nakabalik na ulit sa Malakanyang, mahuhusgahan lang siya sa
tamang panahon at pagbalangkas sa kung ano ang lalamanin ng kanyang administrasyon. Maaga pa ang
husgahan. Tulungan natin ang gobyerno upang ito rin ang bibitbit sa atin sa mas matatag na bukas. Adios mi amor, ciao, mabalos.

JAM THE SIGNAL

INUTIL BA ANG DENR?

Amianan Balita Ngayon