Mas maraming provincial roads, napahusay sa CMGP

LUNGSOD NG TABUK, KALINGA – Dalawang road improvement projects sa ilalim ng Conditional Matching Grant for Provinces (CMGP) ng gobyerno ang itinurn-over kamakailan sa mga benepisaryo habang dalawa pang bagong proyekto ang nagkaroon ng ground breaking ceremony.
Ang pinagandang 5.85 kilometrong Burayucan section ng Bulanao-Laya-Balong provincial road na nagkakahalaga ng P75 milyon ay itinurn-over sa mamamayan ng barangay Cabaruan, Balong at Laya East.
Ipinasakamay naman sa komunidad ng Bulanao ang P4 milyon halaga na 4-lane hanggang 6-lane Bulanao market provincial road.
Samantala ay pinangunahan nina Engr. Catherine Joy Leon ng Office of Project Development Services ng Department of Interior and Local Government central office, DILG-Cordillera Regional Director Marlo Iringan, at Acting Governor James Edduba ang turn over ng proyekto gayundin ang ground breaking ng dalawa pang bagong proyekto.
Ito ang P99.5 milyon upgrading project sakop ang 8.25 kilometrong Cabaruan-Socbot Road at ang P74 milyon halaga na 6.80 kilometrong Cabaritan-Dugpa provincial. Kapuwa nabigyan ng Notice to Proceed work ang dalawang proyekto noong Hulyo 21, 2017.
Inihayag ng local road management team na limang upgrading projects na may kabuuang halaga ng P536 milyon ay may proposed CMGP funding sa 2018. Ito ang 7-kilometrong Mallango Belong-Sumadel provincial road na may proposed funding na P87.5 milyon; ang 6-kilometrong Balantoy-Dao-angan Road ay may 75milyon; ang 6.5 kilometrong Balinciagao-Magsilay-Amdalao Road na may P81 milyon; ang 8-kilometrong Pinukpuk Junction-Pakawit na may P100 milyon funding at ang 16.12 kilometrong Dalnacan-Mangali via Taloctoc provincial road. ABN

Amianan Balita Ngayon