Mga basurerong nagkakalat, pagmumultahin

LA TRINIDAD, BENGUET – Upang makasiguro na ang mga kalsada sa bayang ito ay hindi mapupuno ng basurang nahuhulog mula sa mga truck ng haulers, inaprubahan ng municipal council sa final reading ang isang ordinansa na pagmumultahin ang mga truck ng haulers na walang takip kapag bumabagtas sa kalsada ng La Trinidad.
Ayon kay Vice Mayor Joey Jovencio Marrero na inaprubahan ng konseho ang Ordinance 26-2017 noong July 18 ngunit nailipat kay Mayor Romeo Salda noong July 24 pagkatapos mapirmahan ng mga miyembro ang nasabing ordinansa.
Ang ordinansa ay iniakda ni Marrero at Councilor Horacio Ramos Jr. na inaatasan ang mga dump trucks at iba pang uri ng transportasyon na dapat ay nakatakip at secured ang load ng basura upang maiwasan ang pagkakahulog sa mga kalsada. Ang mga lumabag ay pagmumultahin ng maximum na P2,500 at tatlong araw na community service bukod pa sa pag-impound ng kanilang sasakyan.
Sa nasabing ordinansa, ang lokal na pamahalaan ay dapat pagtibayin na lahat ng madadaanan sa nasasakupan bilang clean zone sa lahat ng transportasyon at pedestrians at dapat magbigay ng panukalang-batas upang maiwasan ang hindi inaasahang aksidente at abala sa lahat.
Ang ordinansa ay kinakailangang sapilitang sundin ng operators, owners at driver ng drump trucks at iba pang uri ng transportasyon.
Itinatakda rin nito na ang sinumang sumuway ay magiging responsable sa pagtatanggal at paglilinis na anumang mahuhulog ay kanilang gagastusan. Liza T. Agoot at Pamela Mariz Geminiano/PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon