“MAS MATIMBANG BA ANG KAPAKANAN NG MAMAMAYAN NG KALINGA O DAMBUHALANG KOMERSYAL NA PAGMIMINA”

Nahaharap sa sangadaan ang probinsya ng Kalinga sa harap ng napipintong muling pagbubukas ng Batong Buhay Mines sa Kalinga sa darating ng 2026 sa pangangasiwa ng Makilala Mining Company Incorporated (MMCI). Sasaklawin ng MMCI ang Pasil, Kalinga na lugar ng Tribong Balatoc sa barangay Maalinao, Caigutan, at Biyog, at pati barangay Guinaang. Sa kabila ng pahintulot ng pamahalaang Marcos Jr. sa muling pagbubukas nito noong 2023 sa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), nagpahayag ng pangamba ang mga mamamayan sa bantang epekto ng MMCI sa ilog ng Pasil at Chico na dumadaloy sa Kalinga patungong Ilog Cagayan.

Nagawaran na rin ng Certification Precondition (CP) mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang MMCI at pormal nang pinagkasunduan sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement ng MMCI at miyembro ng Balatoc Indigenous Cultural
Community (BICC) na pumanig sa MMCI. Ngunit muling napaisip ang higit na nakararaming mamamayan ng Kalinga nang mismong iulat ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na humigit-kumulang 4,700 puno ang mapipinsala sa itinalagang
lugar ng pagmimina sa unang kwarter pa lamang ng 2025.

Bumalik sa mga katutubong Kalinga ang karima-rimarim na karanasan ng matinding polusyon sa ilog Pasil at Chico dahil sa mine tailings noong panahon ng operasyon ng Batong Buhay Gold Mines Incorporated (BBGMI) noong dekada 1980 na lubhang nakaapekto sa pagsasaka sa Tabuk City at Pinukpuk hanggang sa Mallig, Quezon sa Isabela. Nagdulot ang polusyon ng krisis sa produksyon ng bigas dahil sa matinding siltasyon sa ilog at tubig na may lason mula sa BBGMI. Labis din ang naging epekto sa ekolohiya ng Kalinga gaya ng pagkawala ng  iba’t ibang uri ng isda at iba pang organismo na mahalaga sa kabuhayan ng mangingisda at magsasaka.

Nais kumbinsihin ng MMCI na maiiwasan ang pinsala sa kapaligiran at agrikultura ng Kalinga at karatig-lugar dahil gagamit ito ng mga makabagong pamamaraan at syensya sa pagmimina ng ginto. Ngunit magbabakasakali ba ulit ang mamamayan ng Kalinga sa likod ng madilim nilang karanasan sa Batong Buhay Gold Mines Incorporated (BBGMI) noong dekada 1980?

Amianan Balita Ngayon