Mataas na insidente ng forest fires dahil sa kaingin – BFP

LUNDSOD NG BAGUIO – Sa loob ng dalawang buwan ng mag-umpisa ang taon ay nakapagtala ang Bureau of FireProtection (BFP) ng mataas na bilang ng insidente ng forest fire sa Cordillera dahil sa “kaingin” kumpara noong 2018.
“There were 55 cases of forest fires recorded from January 1 to February 23,” ani BFP-CAR Intelligence and Investigation Section chief Glenn Pang-et.
Sa datos ng BFP regional office, ang bilang ay mahigit sa ikatlong bahagi ng 151 mga insidente ng forest fire na naitala noong 2018 – may kabuuang 20,880 ektarya ng gubat ang nasunog noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Pang-et na mayroong 178 na insidente noong 2016 kung saan apektado ang 6,113 ektarya ng forest land; at 64 insidente noong 2017 na 13,509 ektarya ang nasunog.
Sinabi niya na kasalukuyang iniimbestigahan ng BFP ang 55 forest fires na naitala mula umpisa ng taon upang matukoy ang eksaktong sukat ng nasunog.
Base sa magkahiwalay na ulat ng Benguet provincial environment office noong Pebrero 20, isang forest fire ang tumupok sa forestry area ng Philex Mining Corporation kung saan limang katao ang namatay, tatlo dito ay empleyado ng kompanya na nangangalaga sa nasabing lugar.
Ang iba pang naiulat na insidente ng forest fires sa nakaraang mga linggo ay ang sunog sa grassland at vegetation ng Akiki trail area sa Mount Pulag partikular sa Kabayan, Benguet na tumagal ng isang linggo mula Enero 31 hanggang Pebrero 6.
Nasira ng nasabing insidente ang mahigit apat na ektarya ng vegetation na bumabawi pa mula sa isang sunog noong 2017 sanhi ng iresponsableng gawa ng ilang namasyal doon.
Noong Pebrero 2 ay isa na namang sunog ang tumupok sa dalawang ektarya sa Mount Yangbew sa La Trinidad, Benguet. Isang forest fire naman ang sumira sa nasa apat na ektarya sa Barangay Ampusongan sa Bakun, Benguet noong Pebrero 5.
Ilang iba pang forest fires ang naitala sa iba’t-ibang probinsiya ng Cordillera na patuloy na iniimbestigahan ng BFP.
Tinitingnan ng BFP-CAR ang kaingin o ang paglilinis gamit ang pagsunog para gawing taniman na siyang pangunahing sanhi ng mga forest fire incident.
Paulit-ulit na hinihimok ng BFP ang publiko na huwag magsunog sa bundok na maaring kumalat at napakahirap puksain dahil sa hangin.
Gayundin ay patuloy na hinihimok ng mga opisyal ng BFP-CAR ang mga magsasaka ng tigilan na ang nakagawiang pagka-kaingin dahil karamihan dito ay lumalaki at hindi na makontrol na forest fires.
Samantala, nananawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga kumunidad sa Benguet na tigilan na ang pagsunog sa kagubatan.
Sinabi ni Benguet Provincial Environment and Natural Resources Officer Carlos Arida na ang kaugalian ng upland farming o ang konbersiyon ng forest lands sa agricultural lands gamit ang
tradisyunal na kaingin ay naging problema sa iba’t-ibang bahagi ng probinsiya simula ng taong ito.
Ayon pa sa kaniya na base sa ulat ng BFP, ilang insidente ng di makontrol na sunog sa kagubatan at tourist destination mountains sa probinsiya karamihan ay dahil sa kaingin.
Sinabi niya na magmomonitor ang DENR sa mga nasunog na lugar upang tingnan ang sitwasyon para makapagplano sila ng rehabilitasyon.
Dagdag pa niya na paiigtingin ng ahensiya ang information, education and communication campaign, partikular ang upland farmers upang maisalba ang natitira pang mga gubat.
 
 
(ABN/PNA)

Amianan Balita Ngayon