LUNGSOD NG BAGUIO – Nilinaw ni Mayor Mauricio Domogan at ang kinatawan ng Megapines Realty and Development Inc.(MRDI) na si Engr. Nichole Benbinen ang isyu tungkol sa naganap na pagputol ng 13 na punong- kahoy sa Legarda noong Lunes, Pebrero 25.
Sa naganap na lingguhang ugnayan noong Miyerkoles ay sinabi ni Domogan na hindi siya pwedeng pumirma ng ‘tree cutting permit’ kapag hindi ito dumaan sa tamang proseso.
Ayon sa kanya, nagkaroon ng inspection sa naturang lugar at dumaan sa tamang proseso ang kampo ng MRDI bago sila nabigyan ng permit at putulin ang mga kahoy na nakatayo roon.
Ayon kay Benbinen, nagulat din siya nang lumabas ang balita tungkol sa naganap na pagputol kamakailan lang. Ipinaliwanag ni Benbinen na maayos silang nakipag transaksyon sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) at kay Domogan para sa kanilang proyekto na gagawin sa nasabing lugar.
May mga hawak din daw sila na mga dokumento na nagpapatunay na dumaan sila sa legal na proseso at sumunod sila sa napagkasunduhang tuntunin at regulasyon.
Dagdag pa ni Benbenin na may mga nakabantay ding myembro ng CENRO noong ginawa ang pagputol sa mga kahoy. Nagkaroon naman ng pribadong pagpupulong ang alkalde sa CENRO at Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol sa isyu na ito.
Ayon sa kanilang pagpupulong, ipinaliwanag sa alkalde na may mali sa pagputol ng kahoy sapagkat may tamang proseso raw ito kung paano putulin.
Hiniling naman ng alkalde na magsagawa sila ng seminar tungkol sa proseso at tamang pagputol ng kahoy para sa kinatawan ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) upang hindi na maulit ang insidente.
Joshua Daliones, UB Intern/ABN
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024