Mataas na multa sa traffic violations, isusulong

LUNGSOD NG BAGUIO – “I want to make difference in our traffic situation, this is one of my legislative agenda,” pahayag ni Mayor Benjie Magalong sa naganap na maagang turn-over ceremony sa city hall noong Biyernes Hunyo 28, 2019.
Ayon kay Mayor Magalong, mahigpit na ipapatupad ang disiplina sa mga motorista na dapat sundin ang traffic rules and regulations upang ganap na maibsan ang malalang trapiko sa lungsod.
Aniya, hihilingin niya sa Konseho na taasan ang penalty o multa sa traffic violations, upang magkaroon umano ng disiplina ang mga “pasaway” na motorista.
“Balewala sa mga pasaway ang multang P150 sa ngayon, kaya mainam siguro na taasan pa ito. Sa Subic at Clark, pag pumapasok ang motorista dito nagiging displinado, dahil takot sila sa mataas na multa, puwede nating gawin dito,” pahayag pa ni Magalong.
Hihilingin din niya sa mga Barangay Officials na deputized ng Anti-Road Obstruction (ARO) na paigtingin operasyon laban sa mga sasakyan na nagdudulot ng trapiko sa lansangan.
“Humingi na ako ng tulong sa MMDA, para pag-aralan ang daloy ng trapiko sa lungsod at sa loob ng tatlong (3) buwan ay gusto kong maramdaman ng mga mamamayan na may improvement ang trapiko natin.”
Ayon pa kay Magalong, kailangan lang ay kooperasyon, hindi lamang sa mga drayber, kundi maging sa mga passersby, na sumunod sa mga tamang tawiran at gamitin ang mga overpass, upang hindi makasagabal sa trapiko, dahil mahigpit na ipapatupad ngayon ang anti-jaywalking ordinance.
Pinaplano na din ni Magalong ang pagpapatayo ng mga parking area na hindi makakaepekto o makakasira sa environment sa lungsod.
“Kailangan natin ay kooperasyon, pagsunod at disiplina, para makamit natin ang solusyon sa suliranin natin sa trapiko sa ating siyudad,” aniya.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon