Matalino at mahinahong pagpapasiya ang kailangan sa gitna ng isang krisis

Ang “persona non grata” sa konteksto ng lokal na pamamahala sa Pilipinas ay tumutukoy sa mga tao o mga grupo na idineklara bilang hindi katanggap-tanggap sa isang partikular na lokalidad.
Sa konteksto ng diplomasya o international relations, ang isang persona non grata na deklarasyon sa isang banyagang mamamayan na kalimitang isang diplomat na mayroon ding pribilehiyo ng imyunidad ay pinagbabawalan na pumasok sa bansa na nag-isyu ng deklarasyon.
Sa konteksto ng lokal na pamamahala ang mga local government unit (LGUs) kabilang ang mga munisipalidad, lungsod at probinsiya ay maaaring magdeklara na pesona non grata ang isang tao. Isang dahilan para sa isang hakbang ay bilang tugon sa isang taong lumalabag sa mga lokal na ordinansa at batas.
Nais ipahiwatig ng deklarasyon na ang isang tao ay pinagbabawalan na pumasok sa hurisdiksiyon ng isang partikular na lokalidad.
Gayunman, ayon sa legal na opiniyon ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang mga deklarasyon ng persona non grata ay kalimitang isinasagawa sa pamamagitan ng mga resolusyon ng lokal na lehislatura sa halip na mga ordinansa at ginagawa lamang ito upang ipahayag ang isang sentimiyento, na epektibong nilalayon na ang ganitong deklarasyon ay hindi kailangang sundin (non-binding).
Sa ganitong deklarasyon, ang mga lokal na lehislatura ay may saklaw na karapatan na mag-isyu ng deklarasyon ngunit ito at dapat gawin “sa mga nasasakupan ng batas”.
Noong Oktubre 25 ay nagpasa ang Baguio City Council ng isang resolution na nagdedeklara kay Atty. Omar Mayo bilang isang “persona non grata” dahil sa kasalukuyan at matagal nang kontrobersiya sa pamunuan ng Benguet Electric Cooperative (Beneco).
Si Mayo ay itinalaga ng National Electrification Administration (NEA) bilang project supervisor para sa Beneco upang ayusin ang agawan ng kapangyarihan sa pagitan nina Atty. Ana Maria Rafael Banaag na itinalaga ng NEA bilang general manager at Engr. Melchor Licoben na siya namang itinalaga ng Beneco Board.
Nag-ugat ang pagdedeklara ng persona non grata kay Mayo sa madaling-araw na pagsakop sa Beneco Headquarters sa tulong mga armadong personnel ng Philippine National Police noong Oktubre 18 na nag-udyok ng galit at pagtuligsa mula sa mga residente at opisyal ng Baguio City at probinsiya ng Benguet, gayundin ng mga consumer, pamahalaang lungsod
ng Baguio at mga karatig na LGUs at mga lider ng simbahan.
Matapos ang tatlong araw ay nabawi rin ng mga empleyado at member-consumer-owners ang compound ng Beneco ng mapayapa. Pinanindiganan nina Atty. Mayo at Baguio City Police Chief Glenn Lonogan na walang iregularidad sa kanilang operasyon at kapuwa iginiit na ipinapatupad lamang nila ang isang lehitimong kautusan mula sa NEA board of administrators.
Paliwanag pa ng police chief na isinagawa nila ang kautusan ng madaling araw upang maiwasan daw ang posibleng marahas na konprontasyon ng mga kapanalig ng bawat partido, at magkaroon ng control sa compound.
May ilan na ring mga personalidad ang idineklarang persona non grata sa lungsod ng Baguio sa iba’t-ibang kadahilanan. Minsan o kalimitan ang maideklarang isang persona non grata ay nagiging kahihiyan sa isang taong napapatawan nito, hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging ng pamilya at kamag-anak ng mga ito at maaaring maging ng lugar na kanilang pinanggalingan.
Kung titingnan sa isang banda ay tila sukdulan naman ang pagdedeklara ng persona non grata sa isang taong wala namang linabag na lokal na ordinansa o batas na napagutusan lamang na ipatupad ang isang inaakala niyang lehitimong kautusan.
Hindi natin pinapanigan si Atty. Mayo, sa katunayan ay kaisa tayo sa pagkondena ng tila patraydor na pagsakop sa punong-tanggapan ng Beneco at sa tila paggamit sa PNP na wala namang tuwirang kautusan mula sa isang korte upang ipatupad ang kagaya nito.
Matatalino ang mga miyembro ng konseho at maaaring may mas mabuti at mahinahon pang tugon at solusyon sa krisis na kinasasadlakan ngayon ng Beneco, subalit kailangan din nilang ipahayag ang kanilang damdamin at sa pagkakataong ito sa pamamagitan ng isang resolution.
Harinawa ay hindi manaig ang kagustuhan na magpabango sa mga botante kaysa mas matalino at mahinahong pagpapasiya. Umaasa pa rin tayo na may mga batas at alituntunin na umiiral at nawa’y ito ang manaig sa pagresolba sa kontrobersiyang bumabalot sa Beneco…dahil habang tumatagal ay maapektuhan ang mga serbisyo ng kooperatiba na siya nitong mandato sa kanilang mga consumer-member-owners.

Amianan Balita Ngayon