MATATAG AT MALAPIT NA PAGKAKAIBIGAN, MAGPATULOY PA

Noong taong 1998 ay nagsimulang ipagdiwang ng lokal na gobyerno ng lungsod ng Baguio at komunidad ng Filipino-Chinese ang taunang Spring Festival o ang mas kilala bilang Chinese New Year at sa pamamagitan ng City Ordinance No. 018, series of 1999 ay itinatag ito bilang isang
pangunahing aktibidad na pinangungunahan ng komunidad sa lungsod. Sa pangunguna ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FCCCII) ay siniguro nito ang mas malapit na pagbubuklod ng mga komunidad ng Pilipino at Intsik.

Ayon sa presidente ng FCCCII na si Peter Ng, ang asimilasyon at pahahalo ng dalawang kultura sa pamamagitan ng taunang pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year ay tiyak na magsusulong ng
pagkakaisa, kapayapaan at kasaganahan para sa lahat ng taong naninirahan sa lungsod. Isa pa, dapat daw salubungin ang taon ng Water Rabbit na may maraming ambisyon, sigla at lakas upang makamit ang iisang hangarin at adhikain ng pagkakaisa at pagkakaibigan sa mga nasabing mga komunidad.

Ang taunang selebrasyon ng Chinese Lunar New Year sa lungsod ay itinampok ng grandiyoso at makulay na parada ngayong Enero 27 na nagsimula sa tuktok ng Session Road at nagtapos sa Melvin Jones football ground. Kapuri-puri ang napapanatiling ugnayan na ipinapakita ng lokal na gobyerno at mga kinauukulang stakeholder sa matagumpay na taunang pista na nagsisilbing
isa sa mga pangunahing atraksiyon sa mismong pag-uumpisa ng taon upang makatulong na pasiglahin ang kasalukuyang pagsisikap na unti-unti at ligtas na pagbuhay muli sa maitinding naapektuhan na lokal na ekonomiya.

Ang layunin at adhikain ng taunang pagdiriwang ng Chinese New Year ay upang isulong ang pagkakaunawaan at pagtutulungan sa pagitan ng Filipino at Chinese communities ipang mapalakas ang makasaysayang pagkakaibigan at pagkakaisa bilang tao. Totoong sa maraming taon ay napatunayan na ang malapit at nagkakaisang pagkakaibigan ng mga Pilipino at Intsik sa lungsod ng Baguio, hindi lamang sa hanay ng ekonomiya nagkakatulungan kundi sa marami pang bagay na
ikinabubuti ng lungsod at ng mamamayan nito.

Dahil itinuring na ng mga Intsik sa lungsod na tahanan na nila ito at nayakap na ang kultura at kaugalian dito ay patuloy ang mabuting samahan. Sa kabila ng mga sigalot at problema sa heopolitika at mga polisiyang panlabas sa pagitan ng bansang Tsina at Pilipinas maging ng ilang karatig bansa sa timog-silangang Aysa, nawa ang ipinapakitang tatag at nagpapatuloy na mabuti, maayos at mapayapang pagkakaibagan ng mga Pilipino at Intsik sa lungsod ng Baguio ay maging
halimbawa at huwaran tungo sa hinahanap na kapayapaan at katapusan ng agawan ng teritoryo – na hindi sa puwersa sa pakikidigma maaayos ang sigalot kundi sa maayos at mapayapang pag-uusap at pakikitungo.

DAKKEL NGA IYAMAN

MGA PAGBABALIK

Amianan Balita Ngayon