MGA PAGBABALIK

MAGANDA ang agos ng taon ngayong unang buwan. Palatandaan ito ng umaayos na pagbangon ng ekonomiya ng lampas dalawang taon nang sinasalanta ang Baguio sa pananalasa ng pandemya.
Kung sabagay, daglian nating nararamdaman na si covid ay naghihikahos na, bagamat patuloy siyang banta sa kalusugan, hindi lamang sa atin, kundi sa iba pang panig ng mundo.

Unang pagbabalik: ang Panagbenga. Sa Miyerkoles, unang araw ng Pebrero, buwan ng pagmamahalan, pagpapatawaran, at pagbibigayan, ay idaraos ang parade na maglulunsad ng
selebrasyon ng Panagbenga. Hindi maikakaila na kay tagal din nating pinanabikan ang taunang selebrasyon ng Panagbenga Baguio Flower Festival, na mula pa noong 1998, ay taunang ginaganap
hanggang 2020, nang magsimulang hambalusin an gating buhay ni covid.

Sa loob ng mga nagdaang taon, lalo pang pinaganda, pinaayos, at binigyan ng taunang pag-angat
ang Panagbenga, kung kaya naman, ginawaran ang Festival na siyang pangunahing Best Managed Festival sa buong kapuluan ng Pinas. Kaya naman, ngayong Pebrero, muli nating salubungin ang paglulunsad ng Panagbenga, na ngayon pa lamang ay buong kasabikan ng hinihintay. Ang parade sa Pebrero a-uno ay patikim lamang tulad ng mga nakalipas na pagdaraos.

Inaasahan namang ang buong puwersa ng gobyerno local at ng pribadong sector na Baguio Flower Festival Foundation, Inc. ay magkaisang balikat na pangungunahan ang parading inaasam ng
sambayanan. Ito ang pagbabalik ng taunang selebrasyon kung saan muli nating ikatutuwang
masasaksihan ang mga pangunahing aktibidad na hinahangahan sa buong mundo: ang Street Dancing at ang Float Parade. Hindi ba’t sama-sama tayong umindak sa tugtog ng Panagbenga Hymn?

Hindi ba’t nakisayaw tayo sa mga tunay na bida ng Panabenga, habang bigay-todo sumasayaw ang mga batang naging Poster Kids ng streetdancing competitions? Hindi ba’t kandaugaga tayong halos
yakapin ang mga naggagandahang flower floats na ipinarada sa mga panugnahing kalsada at isang linggong nakaparke sa Athletic? Oo nga at patikim lamang ang mga kaganapan sa Miyerkoles, ngunit ito ang lalo pang magpapataas sa mga aasahang mga magaganap sa buong buwan ng Pebrero.

Panagbenga 2023, Mabuhay sa muling pagbangon, at pagpapasabog ng ganda, kaluntian, at pagmamahal sa kalikasang dagliang bumabalik at nagpapayabong sa atin. Pangalawang Pagbabalik: ang pagdalaw sa atin ng isang natatanging bisita na balik- Baguio kung turingan. Ang
ating tinutukoy ay si Anatoly Karpov, isang batikang grandmaster ng chess, dating World Chess Champion noong dekada Sitenta.

Matatandaang ginanap sa Baguio ang isang world-class chess match, mismo sa Baguio Convention Center sa kalagitnaan ng dekadang iyon. Dalawang Russian chess luminaries – si Anatoly Karpov
at Viktor Korchnoi – ang naglaban sa ahedres sa isang kumpetisyon na buong mundo ang sumubaybay at naglagak sa Pilipinas at sa Baguio sa mapa ng mga natatanging lugar sa larangan ng chess. Darating si Ginoong Karpov sa Baguio mga alas diez bilang pagbabalik sa lungsod na kanyang hindi makakalimutang kabanata ng kanyang buhay: ang maging kampeon sa
labanang Karpov-Korchnoi.

Sa kanyang pagbisita, kanyang makakaniig ang ating Mayor Benjie sa isang courtesy call sa City Hall, at pagkatapos ng pananghalian ay tutungo na siya sa Baguio Convention Center sa isang memory tour ng lugar. Mga alas-dos ng hapon ay pangungunahan nya ang isang film presentation ng World Chess Championship nang kanyang talunin si Korchnoi. Mga alas-kuwatro ng hapon ay babalik na siya sa Maynila. Sa mga nagnanais na makaniig si Mr. Karpov, libre ang film presentation, at baka maisingit ang isang simultaneous chess exhibition sa mga batikang manlalaro ng Baguio Chess Club.

Dalawang Pagbabalik: isang adhikain, ang tuloy-tuloy na pagpapalaganap ng mga mahahalagang programa na tatak Baguio. Kaisang balikat nating yakapin at tangkilikin ang mga susunod na hakbang para sa isang umaayos na pamamahala. Ayon nga ke Mayor Benjie, wala ng pandemyang haharang su bumubulosok na pagbabalik ng ganda, yumi, at natatanging kaayusan ng Baguio.
Tuloy ang pag-ahon, ang pagbangon natin. AngatTayoBaguio. Ating uulitin: Sa turismo at negosyo,
may asenso. Sa edukasyong de kalidad, lumalabas ang abilidad.

Amianan Balita Ngayon