May presyong kaakibat ang bawat modernisasyon

Tila wala na yatang makakapigil sa napipintong implementasyon ng “transport modernization program” ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na may phase-out ng mga lumang pampasaherong jeepney at papalitan ng mga modernong sasakyan (air conditioned, may wifi, komportable ang upuan, nasa tagiliran ang pintuan, mas malinis ang bugang usok at iba pang features) na hamak na mas mahal ang presyo na hindi bababa ng isang milyon ang isang sasakyan.
Nakatakda ang implementasyon ng programa sa taong 2019 at bagaman may mga transport group, mga operator at drivers na sang-ayon dito ay mas marami naman ang hindi sang-ayon dahil nga sa kamahalan ng sasakyan. Tutol din sila sa rikisito ng gobyerno na kailangan munang bumuo ng kooperatiba ang mga operator at drivers upang magkaroon ng iisang prangkisa dahil hindi na papayagan ang indibiduwal na prangkisa. Isa pa sa tinututulan ng mga operator at drivers ay hindi na nila maiuuwi ang mga sasakyan kapag may kooperatiba na dahil kailangang magkaroon ng isang paradahan ang bawat kooperatiba. Minsan o kalimitan ay nagagamit pa nila ang kanilang sasakyan sa ibang bagay. Isa pa ay tiyak na tataas ang pamasahe na siguradong kukuwestiyunin ng mananakay.
Iginigiit ng mga kontra sa modernisasyon na kaya naman daw nilang ayusin ang kanilang sasakyan upang makaagapay sa bagong standards na isinusulong ng gobyerno. Nanghihinayang sila sa kanilang lumang sasakyan dahil sa maraming taon na ring serbisyo nito sa kanila at kapag nasiraan ay sila na rin ang nagreremedyong kumpunihin ito.
May kabutihan na dulot ang modernisasyon, maliban sa magandang tingnan at maayos ang mga sasakyan ay magiging komportable ang mga pasahero, makakatulong sa kalikasan dahil hindi mausok, luluwag ang mga kalye sa mga barangay dahil iisa na lamang ang paradahan. Gayundin sa ilalim ng isang kooperatiba ay magiging maayos ang pamamahala sa mga sasakyan at magkakaroon din ibang pakinabang ang mga miyembro sa mga dagdag na programa ng kooperatiba.
Tunay na mahirap talikuran ang mga nakasanayan at nakagawian lalo na’t napamahal ito sa iyo, subalit hindi talaga maiiwasan ang pagbabago at modernisasyon at sa kabila ng mga pagtutol at pagkilos ng mga kontra ay matatag ang pagsulong at pagpapatupad ng gobyerno sa modernisasyon sa transportasyon anuman ang presyo na kaakibat nito sa mga mamamayang apektado at sa gobyerno. PMCJr.

Amianan Balita Ngayon