Menor de edad na tulak ng droga at isa pa, timbog sa buy-bust

CAMP DANGWA, LA TRINIDAD, BENGUET – Nasakote ang isang menor de edad na lalaki na diumanoy tulak ng shabu at isa pang tambay ang nahuli sa magkahiwalay na buy-bust operation ng mga otoridad nitong nakaraang linggo.
Nakilala lang sa pangalan na “Dannyboy”, 17 anyos at tubong Talisay, Davao at kasalukuyang nakatira sa East Quirino Hill Barangay dito sa lungsod ang suspek. Ayon sa mga otoridad, nahuli ang nasabing menor de edad sa may paradahan ng jeep sa Middle Quirino Barangay. Nakumpiska sa kanya ang isang plastic na may lamang shabu na nagkakahalaga ng P500 at isang cellphone. 
Dinala ng mga otoridad ang nasabing batang suspek sa tanggapan ng Social Development Center sa Barangay Irisan. Ayon sa pulisya, kinasuhan na nila ang menor de edad.
Samantala, natimbog naman ng La Trinidad Police ang isang tulak ng shabu na nakilalang si Daryl Buyawe Dominguez, 28 anyos at tubong Baang, Bauko, Mt. Province na kasalukuyang nakatira sa Boted, Tawang, La Trinidad, Benguet .
Ayon sa pulisya, nasakote ang suspek sa isinagawang buy bust operation sa harap ng Marosan Restaurant dakong hapon kung saan ay nagbenta umano ng shabu ang suspek sa mga di nakilalang otoridad.
Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong plastic na may lamang shabu, isang lighter, dalawang electric tape, isang cellphone, at ang P1,000 na ginamit na buy-bust money. TFP / ABN

Amianan Balita Ngayon