Mga bisita galing sa mga bansang may travel ban imomonitor

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinaigting ng pamahalaang lungsod ang monitoring sa pag kontrol ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa pinag-ibayong surveillance ng pagpasok ng mga tao na may kasaysayan ng paglalakbay sa mga bansang sakop ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) travel ban sa 128 barangay nito.
Naglabas si Mayor Benjamin Magalong noong Pebrero 11 ng isang memorandum na nag-uutos sa mga barangay na regular na isurvey at i-report ang mga residente at bisita, Pilipino man o banyaga sa kanilang hurisdiksiyon na may travel histories sa COVID-19 critical countries gaya ng China, Hongkong at Macau mula Disyembre 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Dapat isama sa survey ang mga miyembro ng sambahayan at iba pang tao na nagkaroon ng contact sa mga nasabing tao upang maisagawa ang contact tracing kung kinakailangan.
Maliban dito ay hiniling din sa mga opisyal ng barangay na regular na i-monitor ang kondisyon ng kalusugan ng mga natukoy na tao sakaling magkaroon sila ng mga sintomas na may kaugnayan sa COVID-19 at agad i-report ito sa pinakamalapit na health facility.
Kailangang isumite ang report sa opisina ng Mayor sa ngalan ng Interagency Task Force na pinamumunuan ni Mayor Magalong na may kopya ang City Health Services Office.
Mula Pebrero 14 ay sinabi ni Dr. Amelita Pangilinan, Officer-in-Charge Regional Director Department of Health Center for Health and Development na nananatili ang rehiyon na virus-free na walang positibong kaso ang naitala.
Subalit may 10 persons under investigation (PUIs) sa rehiyon, apat sa kanila ay bago habang anim ay dati ng kasama sa talaan.
Sa apat na bagong PUIs, dalawa ay mula sa Baguio City at tig-isa sa Benguet at Abra. Ang dating PUIs ay nag-negatibo sa virus ayon sa DOH-CAR.
Kamakailan ay iniutos ng Mayor ang activation ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS) na naatasang magkaroon ng listahan ng mga tao na may history ng travel at ipatupad ang 14-day home confinement period para sa mga taong dumating mula sa mga lugar na apektado ng COVID-19, sa koordinasyon sa Department of Health; magbigay ng tulong at suporta sa mga taong sumasailalim sa home confinement, magbigay ng tulong sa pagdadala sa mga suspected carriers sa ospital, magsagawa ng regular na barangay-wide clean-up campaign at magsagawa ng information campaign.
 
APR-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon