LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA)
Namahagi ng regalo para sa mga child laborers (mga batang manggagawa) ngayong Pasko ang Department of Labor and Employment (DOLE)- Regional Office 1. Hindi lamang mga gift packs ang ibinigay nito sa mga child laborers at kanilang mga pamilya, kundi nagbigay din ang ahensiya ng pag-asa para sa magandang kinabukasan.
Sa pamamagitan ng Project Angel Tree, namahagi ang DOLE-Ilocos ng mga learning supplies, hygiene kits, food items, at advocacy materials sa 300 bata na na-profile bilang child laborers sa pamamagitan ng Child Labor Elimination and Prevention Program (CLEPP) ng DOLE sa Rehiyon Uno. Sa pamamagitan ng anim na field offices nito sa buong rehiyon, naabot ng DOLEIlocos ang mga benepisaryo sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan: 50 benepisaryo sa Basista, 10 sa Mangaldan, 20 sa Mapandan, 12 sa San Jacinto, walo sa Calasiao, 25 sa Santa Maria, at 25 sa Sison.
Sa La Union, tig-25 bata sa Bagulin at Bangar ang tumanggap ng pamasko. Sa Ilocos Sur naman, 12
benepisaryo ay mula sa Sinait, 12 mula sa Santo Domingo, 14 mula sa Santa, at 12 mula sa Santiago.
Sa Dingras, Ilocos Norte ay 50 benepisaryo ang nahandugan ng biyaya. Ayon kay DOLE Ilocos
Regional Director Exequiel Ronie Guzman, ang gift-giving activity ay isang paraan upang maibigay sa mga child laborers at kanilang mga pamilya ang mensahe na handa ang gobyerno na tumulong sa kanila upang makaahon mula sa kahirapan.
(RPM, PIA Pangasinan/PMCJr.- ABN)
December 30, 2022