Mga corrupt sa Customs, kaya ba ng AFP?

Habang sinusulat ang espasyong ito palayo na rin ang bagyong si Rosita na nagdulot na naman ng delubyo sa buhay at ari-arian ng mga tinamaan nito lalo na sa Northern Luzon. Ang masakit, di pa man nakakabangon ang Norte sa hagupit ng dumaang bagyong si Ompong, bumanat naman si Rosita. Grabe na ang mga bagyong dumadaan. Ito’y sumasabay pa sa mga mga bagyong problema sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa kasalukuyan. Ang pinakahuling bagyo na lagpas na yata sa signal No. 4 ang mga buwaya sa Kustom.

**********

Nakakahiya man pero aminin nating may palusutan talaga sa Kustom, yan ang isang malaking katotohanan. Mas malalaki pa yata ang mga buwaya riyan kaysa sa pinakamalaking buwaya sa bansa na si Lolong. Aba’y sa laki ng kanilang sakmal, bilyong piso ang halaga ng mga pinalusot na shabu. Kamakailan nga, ang pinalusot na ayon sa PDEA ay hindi lang P6.8 bilyon ang halaga kundi abot sa P11bilyon pa.  Ang pinakamasaklap, naikalat na sa buong bansa ang shabung nilaman ng magnitec lifters. Tiyak lalong darami  ang malululong sa illegal na droga. Marami pa ang sisiraing buhay at kinabukasan ng ating lahi. Ang malaking katanungan ay: bakit hindi mapuksa-puksa ang drogang yan? Malaki rin ang sagot: may nagpapalusot! Period!

*********

At dahil sa regudon ng mga naganap na palusutan o nalusutan sa Kustom, nagkaroon ng balasahan. Inilipat agad ni Pres. Duterte si Customs Commissioner Isidro Lapena sa TESDA kasabay ding ipinalit sa kanya sa BOC si dating AFP Chief at kasalukuyang Administrator ng Maritime Industry Authority (Marina). Nagulat daw ang dalawa sa biglaang utos ni Pangulong Digong. Siguro, kung gulat ang pag-uusapan, mas maraming Pinoy ang nagulat sa balasahan sa gitna ng di pa tapos na imbestigasyon sa kasong palusutan o nalusutan ulit ang kustom ng bilyong halaga ng shabu. Dahil sa gulat, marami ang nagmura at bumanat kontra sa naganap na eksena. Buti na lamang hindi nagulat ang Senado sa pamamagitan ng komite ni Sen. Gordon. Tuloy ang kanilang upak sa isyu at tiyak na irerekomenda nila na makasuhan ang mga sangkot diyan. Hindi pa rin daw lusot si Lapena sa pagbusisi ng mga mambabatas. Dapat lang, sigaw ng marami. May sumisigaw pa nga na dapat may makulong o mabulok sa karsel upang magsilbing aral. Habang walang mapaparusahan sa mga “buwaya” sa Kustom, tiyak na tuloy ang lusutan ng droga, banat ng maraming banas na mamamayan.

*********

Di pa riyan nagtatapos ang malaking gulat ng bayan, pards. Lalong nakakagulat ang hakbang ni Pangulong Digong na ipahawak sa AFP ang mga pangunahing puwesto sa Kustom. Ganern??? Yap, pards. Ganun nga. Di ba dating nasa AFP sina dating Komisyoner ng BOC Faeldon at Lapena? Di ba panahon nila nang makalusot ang mga shabu na bilyong piso ang halaga? Tapos, mga taga-AFP rin ang itatalaga muli sa Kustom? Ang tanong: wala na kayang makakalusot na kontrabando lalo na ang shabu kapag AFP na ang nariyan? Sabagay, sabi ni Defense  Sec. Delfin Lorenzana, na pansamantala lamang ito habang naghahanap si Guerrero ng mga sibilyang karapat-dapat sa mga babakantehang puwesto. Sa kabilang dako naman hindi kumporme ang whistleblower na si Atty. Ma. Lourdes Mangaoang (mataas ding opisyal ng BOC) na mga taga-AFP ang ipoposte sa mga maseselang seksiyon o departamaneto ng Kustom. Bakit? Sundan na lamang natin yan sa Senate inquiry sampu ng mga pagbubulgar na gagawin ng iba pang mga witnesses. Dapat lang na mabulgar na ang lahat at ituro kung sino-sino ang mga may kinalaman sa palusutan para matigil na ang pagpasok ng droga sa bansa. Tanong: may mga malalaking buwaya kaya ang gugulong ang ulo o mga butiki lang? Abangan!  Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon