Mga guro patuloy na inihahanda sa curriculum sa senior high

Inihayag ng Department of Education sa Cordillera na bagaman walang kakulangan ng guro para sa elementarya at sekondarya sa rehiyon ay may kakulangan pa rin sa mga guro na magtuturo sa Junior at Senior High.
Ayon kay Edgardo Alos, chief admin ng Benguet Schools Division Office, batay sa kanilang datos, ang kada isang guro ay 23 na estudyante lamang ang kanilang hahawakan sa elemetarya at 26 na estudyante naman sa kada isang guro sa sekondarya.
Ngunit taliwas sa sobrang guro para sa elementarya at sekondarya, ayon kay Alos ay nagkukulang sa mga guro para sa Junior at Senior High dahil sa kakulangan din ng mga aplikante para sa posisyon.
Aniya, ito ang dahilan kaya gumawa ng programa ang DepEd upang punan ang pagkukulang ng mga guro sa K11 at 12. Binigyan ng DepEd ng oportunidad ang mga hindi pa nakapasa sa licensure examination for teachers (LET) na magturo sa Junior at Senior High. Nakapaloob sa programa ang pagbibigay ng limang taon na kontrata sa mga ito kahit hindi pa LET passers, parehong benipisyo rin ang ibibigay sa mga ito at kung sa loob ng limang taon ay maipasa ng mga guro ang LET, tatanggalin na ang kanilang kontrata at permanente na silang makapagtuturo sa eskwelahan na kanilang pinapasukan.
Dahil dito, ipinagpapatuloy ng DepEd ang training sa mga guro upang higit na maging handa ang mga ito sa darating na pasukan. Rhozel Nicole J. Sobremonte, New Era University Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon