Mga kaso ng leptospirosis at dengue sa Pangasinan, tumaas

LUNGSOD NG DAGUPAN – Pinayuhan ng Provincial Health Office (PHO) ang mga Pangasinense na panatilihing malinis ang kapaligirn at agad na humingi ng medikal na atensiyon sa maagang sintomas, matapos umakyat sa 67.14 porsiyento ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue at 140.31 porsyento ang itinaas ng kaso ng leptospirosis sa probinsiya.
Nakapagtala ang PHO ng 7,777 dengue cases sa buong probinsiya mula Enero 1 hanggang Nobyembre 19 ngayong taon, 3,124 ang itinaas na mga kaso kumpara sa 4,653 mga kaso ng parehong panahon noong nakaraang taon, ayon kay Rodhalia Binay-an, coordinator ng Epidemiology and Surveillance Unit ng PHO.
Noong Agosto lamang, 1,990 mga kaso ng dengue ang naitala na may 25 na namatay, siyam na kaso ang itinaas mula sa mortality rate ng sakit noong 2017, ani Binay-an.
Inilagay ng PHO sa watch list ang mga lungsod ng Urdaneta na may 623 kaso; San Carlos – 444; at Alaminos – 434; kabilang ang mga munisipalidad ng Pozorrubio – 416; Binmaley – 411; Mangaldan – 387; Asingan – 321; Bayambang – 318; Mapandan – 256; at Manaoag – 251.
Sa lahat ng kabuuang bilang ng mga biktima, 4,152 ay lalaki at 3,625 ay mga babae samantalang ang mga batang may edad 10 hanggang 14 ang pinaka-apektado.
Sinabi ni Binay-an na nakapagtala ang PHO ng 459 leptospirosis cases mula Enero 1 hanggang Nobyembre 19 ngayong taon, 140.31 porsyento ang itinaas mula sa 191 mga kaso ng parehong panahon noong nakaraang taon.
Isiniwalat niya na mayroong 61 fatalities sa nasabing period, kumpara noong nakaraang taon na may tatlong namatay.
Ang pinakamataas na bilang ng mga kaso na may 179 pasyenteng naitala noong Agosto ay mula sa mga probinsiya na nakaranas ng matinding pagbaha sanhi ng magkakasunod na sama ng panahon.
Ang age group mula 15 hanggang 19 ang pinaka-naapektuhan na may 65 kaso.
Kabilang sa watch list ng PHO sa kaso ng leptospirosis ay ang Binmaley, Mangatarem, Mangaldan, San Fabian, Sta. Barbara, Calasiao, Bayambang, Manaoag, Urdaneta City, at Aguilar.
Ang lungsod ng Dagupan ay mayroong 15 fatalities sanhi ng leptospirosis sa parehong panahon. A. PASION, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon