Mga kontrobersiya sa ‘Pinas, patong-patong

Kung baga sa pagkain, bundat na bundat. Kung sa asaran-blues – sagad na sagad. Kung sa banatan at murahan – wagas na wagas. Yan ang kartada ngayon ng mga kontrobersiya sa Pilipinas, ang bayan kong sinilangan. Bayan kong hitik sa karumal-dumal na mga eksena lalo na sa pulitika. Pero kahit tuldok lang tayo sa mapa ng mundo, atleast sikat at laging napag-uusapan dahil sa mga kontrobersiyang ating uupakan ngayong serye. Bato-bato sa langit.

*****

Sentruhin na lang natin ang Martial Law sa Mindanao at ang nagaganap sa Marawi. Habang sinusulat ang espasyong ito, kahit umiiral ang idineklarang batas-militar sa buong Mindanao, parang hindi natitinag at hindi natatakot ang mga teroristang lumalaban sa ating puwersa sa Marawi. Ayon sa ulat ng AFP, mahigit na sa 130 ang napapatay na terorista, higit sa 35 sa panig ng military, tatlo a PNP, higit sa 20 ang sibilyan at marami ang sugatan. Kahit umuulan, patuloy ang labanan. May mga ukupadong lugar ng mga Maute-ISIS ang hindi pa napapasok ng mga sundalo at pulis. Sige pa rin ang malasakit ng rescue groups upang mailigtas ang mga residenteng naiipit sa labanan. Marami sa kanila ang gutom at nagkakasakit na kung saan may mga Kristiyano pa silang kasama. Sa pinakahuling mensahe ng military, sa tantya nila maaaring magtagal pa diumano ang upakan dahil sa mas matatag ang posisyon diumano ng mga terorista dahil kabisado nila ang lugar, may mga sniper sila na hindi nakikita at malalakas din ang kanilang armas. May hinala rin ang mga otoridad na maaaring kinakapos na sa pagkain at bala ang mga kalaban. Pero sabi naman ng ilan, baka nakatakas na sila at nasa ibang lugar na sila sa Lanao Del Sur.

******

Maaaring malaking dagok sa mga Maute-ISIS daw ang pagkakahuli sa isang checkpoint sa Davao City kay Cayamora Maute – ang itinuturo at umamin nang ama ng mga wanted na magkapatid na Maute (Omar at Abdullah). Ito ay nasakote kasama ang apat pang ka-pamilya niya. Sa kasalukuyan, sila’y nasa kustodiya na ng BJMP sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. May mga ulat na si Cayamora daw ang financier ng grupong Maute. Sa kabilang dako naman, sinabi ng AFP na sila’y nakaalerto at handa sa maaaring pagganti ng Maute group sa pagkakadakip kay Cayamora. May posibilidad daw kasing sa ibang lugar sa Mindanao gagawa ng pagkilos ang mga Maute-ISIS. In short, handa ang AFP at PNP sa buwelta ng Maute at mga kaalyado nila sa buong Mindanao.

******

Malaking kontrobersiya naman ang pagkakatuklas ng military sa bulto-bultong pera sa isang bahay sa Marawi kung saang tinaguriang Machine gun post ng Maute. Abot sa halos walumpong milyong piso at di pa batid kung kanino at para saan ito. Ayon sa mga ulat, isang kaugalian daw ng mga taga-Marawi ang magtabi o magtago ng pera nila sa kanilang bahay at hindi sa mga bangko. Daplis ng iba: sakaling pera ito ng mga Maute, baka totoo ang ulat na may mga humigit sa dalawang-daang pulitiko at mayayamang taga-Mindanao ang sumusuporta sa mga Maute kaya marami silang pera at armas. Ayon sa AFP, may mga arrest order na sila na inisyu ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang Martial Law administrator. Ilan lang ang ito sa mga kontrobersiyang nagaganap ngayon sa Marawi at yan ang isusunod nating hihimayin sa Daplis. Adios mi amor, ciao mabalos.

Amianan Balita Ngayon