MGA NEGOSYO SA ILOCOS NORTE IPINAPATUPAD ANG PAGTAAS SA MINIMUM WAGE- DOLE

ILOCOS NORTE

Ang minimum wage increase, na nasa ikatlong tranche na ngayon, ay maayos na ipanapatupad sa mga negosyo sa Ilocos Norte, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Sa ilalim ng DOLE wage Order No. RB1-21, kailangang magbigay ang mga employer ng minimum wage na PhP400 bawat araw sa lahat ng non-agriculture establishments na may 10 o higit pa na mga empleyado, at PhP372 bawat araw para sa lahat ng non-agriculture establishments na mababa sa 10 ang empleyado at agriculture, maging plantation man o non- plantation.

Ang minimum wage ay tumaas ng PhP30 mula sa ikalawang tranche. Ang ikatlong tranche ay
nagsimulang ipatupad ng lubos noong Marso 1 sa rehion ng Ilocos. Ayon kay Leonavella Dadiz-Duldulao, labor and employment officer ng DOLE- Ilocos Norte, ang implementasyon ng pagtaas ng sahod sa probinsiya ay maayos at hanggang nitong Marso 30, wala pa silang natatanggap na
reklamo mula sa mga empleyado na nasasahuran sila ng hindi tama.

“Noong una, we assessed na may kaunting resistance talaga from our employers, but with continued information dissemination, pati na rin mga seminars, we were able to properly inform talaga ‘yong mga employers ng tamang minimum wage para sa kanilang mga workers,” ani Duldulao. Idinagdag niya na sa nagpapatuloy na pagtaas sa mga presyo sa merkado, tama lang na itaas ang minimum wage upang suportahan ang mga sumasahod ng maliit sa probinsiya.

Upang masigurong napapanatili ang implemetasyon sa pagtataas ng sahod sa probinsiya, sinabi ni
Duldulao na isang monitoring team mula sa DOLE Regional Office ang regular na nagsasagawa ng mga sorpresang pagbisita sa mga negosyo upang tingnan ang mga empleyado. Hinihikayat din ni Duldulao ang lahat ng manggagawa sa probinsiya na ireport sa tanggapan ng DOLE ang mga pang-aabuso na hinaharap nila sa pinagtratrabahuan upang matugunan nila ng maayos ang kaso.

“We, at the DOLE Ilocos Norte field office, are encouraging all employees na lumapit sa amin sa aming opisina kung may mga concerns kayo o mga kailangang i-report na hindi tamang pagpapasweldo, or any abuses sa inyong trabaho, we are prepared to help you,” aniya.

(EJFG, PIA Ilocos Norte/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon