Mga pangako sa kampanya mag-uumpisa na naman, dapat tayong mapanuri

Sa darating na Oktubre 1 hanggang Oktubre 8 ng taong ito ay muling magtutungo sa mga itinalagang lugar ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato upang magpila ng kani-kaniyang kandidatura para sa iba’t-ibang posisyon sa gagawing lokal at pambansang halalan sa Mayo 2022.
Muli, hindi pa man naidedeklara ang opisyal na pahahon ng pangangampanya ay may mga ilang pagpapakilala na ng mga personalidad (politiko) gamit ang mga tinaguriang mga “patalastas” o informational advertisements sa iba’t-ibang plataporma ng social media, sa mga pahayagan, radyo at telebisyon. Bagamat hindi naman itinuturing na pangangampanya na ng Comelec sa ngayon, ito ay halata namang nagpapakilala na sila sa taong-bayan.
Muli ay makaririnig na naman tayo ng napakaraming mga pangako mula sa mga kandidatong ito. Para bang pangkaraniwang proseso na lamang para sa mga kandidato para sa pulitikal na posisyon na mangako ng kahit anuman upang makuha ang suporta ng mga botante, at kalauna’y hindi tuparin na walang takot sa anumang parusa maliban sa matawag na isang “sinungaling”, o hindi na susuportahan sa susunod na pagpili.
Ilang ulit na ba nating nasaksihan at napatunayan na ang mga pangakong ito ng mga kandidato na nang maluklok na ay hindi natupad ang karamihan sa mga pangako nila? At kanilang mga simpleng rason kung bakit hindi nila natupad ito ay ipinagkikibit-balikat na lamang natin.
Sa harap nito ay may tila mali sa pagpayag natin sa mga taong posibleng sadyang magsinungaling makuha lamang ang mga boto at hindi na lamang tuparin ang mga ginawang pangako. Kung maaari nga lamang na panagutin ang mga sinungaling na pulitiko, subalit hindi dapat makialam ang batas sa pulitika. Marahil tanggapin na lamang ito ng mga tao bilang likas na sa mga politiko na mangako ng anuman makuha lamang ang mga boto, masama pa ay binibili ang mga boto.
Ngunit ito ay tanggap na paraan ng demokrasya, mayroon talagang pangunahing mga depekto. Kaya nasa mapanuring kapasidad ng botante na tiyakin kung ang isang kandidato para sa pampublikong posisyon ay maihahatid ang mga pangakong ginawa – ito ay hindi madali.
Tunay na may malaking kaibahan ang gumawa ng mga pangako sa kampanya at maglabas ng mga katotohanan sa halalan kung saan napakahina ang pagkakasaliksik o sadyang panlilinlang lamang. Dapat tuparin ng mga politiko ang kanilang mga pangako upang mapanatili ang kanilang personal na kredibilidad.
Sa kabilang banda ay alam din natin na ang mga pangako ay mas madalas na matupad kung ang isang partido ay hindi kinakailangang ibahagi ang kapangyarihan sa iba, gaya sa isang koalisyon na gobyerno. Sa mga sistemang pulitikal kung saan ang koalisyong gobyerno ay karaniwan, mas kaunting mga pangako ang nagiging polisiya ng gobyerno.
Ang politika ng kompromiso ay naitatatag sa demokrasyang ito subalit hindi ibig sabihin na ang mga namumunong partido ay karaniwang tinutupad lamang ang kalahati ng kanilang pahayag na mga pangako.
Ang pagtupad ng mga pangako ay naapektuhan din ng ilang mga kadahilanan gaya ng paglago ng ekonomiya, mga negosasyon sa koalisyon, mga nakaraang karanasan sa pamamahala ng mga partido, at mga hindi inaasahang malawakang hamon gaya ng pandaigdigang pandemya.
Ang karaniwang palagay ay nangingibabaw na ang mga politiko ay hindi mapagkakatiwalaan na matupad ang kanilang mga pangako. Sa kabilang banda ay sinisikap din ng mga politiko na tuparin ang kanilang mga pangako. Bakit kaya hindi tumutugma ang paniniwala ng publiko sa ebidensiya? Marahil ang negatibong pagkiling – ang hilig para sa mga tao na mag-react ng mas matindi sa negatibong impormasyon ay ang dahilan kung bakit mas naaalala ng mga botante ang mga nasirang pangako kaysa mga natupad.
Tumutugon lamang ang mga botante sa pagtupad o pagkapako ng mga pangako sa mga isyu na mahalaga sa kanila. Bagaman ang pagtupad sa mga pangako ng eleksiyon ay hindi lahat-lahat ng prosesong demokrasya, makatuwiran marahil na ipagsansala na ang karaniwang palagay na ang mga pangako sa kampanya ay walang halaga.
Sa kabaligtaran ay sinisereyoso ito ng mga partido politikal. Sa pangkalahatan ay pinagbubuti ng mga politiko na igalang ang mga pangako na tumulong sa kanilang upang sila’y mahalal. Suriin natin sila ng maigi upang kahit paano’y mapanatili natin ang paniniwala sa demokrasya.

Amianan Balita Ngayon