APAT NA BUWAN pa ang deadline ng pag sumite ng mga kandidatura sa Comelec, pero parang mga kabuting
nagsusulputan na ang mga nagnanais na maglingkod, hindi sa pansariling kapakanan, ngunit para sa malawakang
interes ng sambayanan. Totoo nga kaya ang ating naririnig? Sa pagka-Congressman, ilang mga pangalan ang ngayon pa lang ay pumapaimbulog na sa papawirin, parang mga ulap na sumasayaw sa ihip ng hangin. Nandyan ang asawa ng kasalukuyang may hawak ng pwesto at ngayon nga ay kakandidato daw na kanyang kapalit.
Nandyan din ang mga pangalan ng minsan ay naging mga lider ng lungsod. Ang isa nga ay pabalik-balik sa pwestong Congressman at City Mayor. Ang tanong nga ng karamihan – lalo’t higit na mga taksi drayber na ilang mga pasada lang ay naging mga Political Analyst – wala na bang iba? Parang ang siste ay pare parehong mga ngalan ang
ibinubuga sa kaitasan. Oo nga naman, wala na bang iba? Larong pulitikang napaka aga ang naririnig na bukam
bibig ng mga taong ang silbi yata sa lungsod ay basahin ang mga kilos, galaw, at pananalita ng mga nakaaalam.
Kaya naman, ang mga isyung bumabalot ngayon sa lungsod ay tila napapaaga. Larong pulitika ang bulung-bulungan.
Sa barberya, pati beauty parlor. Sa mga pampublikong sasakyan. Taksi at dyip man. Sa nasyonal, usapang Duterte ang pinakamatindi. Sabi ng mga DDS loyalist, okey lang na tatlong Duterte – ang ama na dating president at dalawang anak na lalaki (pawing naka posisyon) – ang nasa Senado. Akalain mo, tatlo sila at kung idagdag ang mga maka DDS – si Robinhood, si Bato, si Glorified Go at mga kaalyadong Utol ng Bayan, Imeeng laging may sosolusyon kung anong problema ang uunahin, at Leon Guerrerong dala pa rin ang kabayo – aba eh malakas na puwersa iyan na lahat ng panukalang galing sa Palasyo ay dadaan sa butas ng ating mga ilong.
Sa mga isyung local naman, hindi makapaniwala na may mag-asawang sabay na susubukang masakop ang City Hall at Kongreso na rin. Oo, sabay na pinupusuan na mapabilang sa mga Kami Rin na partido, gagawa kami ng
kasaysayang pulitika na kaylan man hindi pa nangyari sa ating lungsod. Ano’ng partido? Kahit Papaano, Partido pa rin. Kaya naman, bago pa man tayo malunod sa dagsa ng pagkabalahura, usapang pulitika, maghunos-dili na
lamang tayo at huminto habang namamayagpag ang mga naluluha na sa mga ambisyong lampas-langit. Hala, bira! Maki-pulitika na!
* * *
ULITIN natin ang komento tungkol sa napapanahong isyo ng congestion fee. Huwag nating maliitin ang mga isyu
pang-lungsod, ngunit dapat lamang na pag-ibayuhin ang diskusyon tungkul sa mainit na usapin. Pag-ibayuhin pa natin ang mga publikong consultasyon lalo na kung may parang buwis na ipapataw. Sa aking pinanggagalingan, tila yata hindi gaanong nauunawaan ang katwiran ng isang panukala na dagliang binabatikos sa mga social media. Anuman ang nasa motibo ng mga sumusulong sa panukalang patawan ang pag gamit ng mga kalsada sa Central
Business District, kailangan pang pag-ibayuhin ang mga pag-uusap upang maunawaan ang panukala.
Ito na nga ang pahayag ng mga punong abala: pag-usapan pa ang mungkahi na magpataw ng tinatawag na congestion fee kung gagamit ang motorist ng anumang kalsada sa loob ng business district. Multa ba o abuloy ang nasabing panukala na papatawan ang mga road users ng halagang P250, upang payagan silang makapasok sa
zonang sinasabi. Congestion fee ang bansag. Ibig sabihin, gusto mong makisalamuha sa sikip ng trapiko, ibig mong maging sanhi ng kabigatan upang mabagtas ang mga kalsada sa loob nito, magbayad ka ng kaukulang perwisyo gawa ng iyong pagnanais na magamit ang mga pangunahing daan sa loob ng zonang CBD.
Idaan ang pag=uusap sa ilalim ng malawakang pag uusap na isang damdam9in ang mapipisil at mananaig. Makabubuti ba na sa layuning maibsan ang bigat ng trapik sa nasabing zona, ay singilin ang motorist ng sinasabing
bayarin? Maiibsan ba ang bigat ng daloy ng trapik kung mayroong ipapataw na multa o abuloy man? Sinabi nga ng ating Ama ng Lungsod, ang alintuntuning ito ay panukala pa lamang at hindi pa solusyon sa mga mabigat na
pasanin ng bayan. Oo nga naman, ang alituntunin ay mungkahi pa lamang at ngayon nga ay idinadaan sa sigla ng
konsultasyon.
Sa paliwanag ni Mayor Benjie, kung anuman ang kalalabasan ng konsultasyon, ito ay dadalhin naman sa iba pang proseso ng pag-uusap at talakayan upang ang saloobin ng sambayanan ay maipahayag ng buong kusa at laya. Saka pa lamang iaangat sa iba pang pamamaraan ng pag gawa ng polisiya na siyang magiging kabuuan ng isang natatanging programa. Samakatwid, mahaba pa ang prosesong daraanan. Pwede po ba, hinay-hinay lamang. Ang batikos, isantabimuna. Intindihin ng buo. Hindi samut sari!
July 21, 2024
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025
May 3, 2025