USOK PA LANG AY DAPAT NG MAKONTROL ANG ISANG SUNOG

Nasunog ang ikatlong palapag ng Maharlika Livelihood Center, ang kauna-unahang shopping mall sa lungsod ng Baguio na itinayo noong 1982. Nagsimula ang sunog bandang ala-una ng madaling araw noong Hulyo 16 at sa naunang report ay nakita raw ng isang security guard na may lumalabas na makapal na usok mula sa isang stall ng
establisimiyento na agad inalerto ang isang fire station na mahigit 300 metro lamang ang kayo sa establisimiyento. Idineklara ng mga bumbero na under control ang sunog 4:09 a.m. at fire out 4:30 ng madaling araw.

Bagamat walang naiulat na nasaktan sa nasabing sunog at kung tatantiyahin ay hindi naman masyadong malaki ang halaga ng mga nasira kumpara sa ibang nakalipas na insidente ng sunog ay may mga napansin tayong tila iba sa ating inaasahan. Una, tila mabagal ang responde ng mga kawani ng BFP; tila walang koordinasyon sa baba sa
pamamahala ng sunog; bakit inabot ng halos apat na oras bago naapula ang sunog?; bakit tumagal ang pagpasok ng mga bumbero sa gusali dahil nahirapan silang buksan ang isang gate?

Ang lahat ng pangyayari ay nakita sa ilang live post ng mga concerned citizen at kung pagbabasehan ang mga video ay makikitang tila nag-aapuhap ng mga bumbero ng gagawin at sa sunog na nag-umpisa lamang sa usok ay naglagalblab na ng unti-unti hanggang sa masunog na rin ang iba pang puwesto sa ikatlong palapag ng Maharlika Building. Marami ang nagdatingang volunteer firetrucks subalit tila wala ring nagawa at tumagal pa rin ang sunog. Ang ikatlong palapag ay hindi naman ganoon kataas kung tutuusin ngunit kapansin-pansing wala o kulang ang mga akmang kasangkapan ang BFP upang matugunan ang ganitong sitwasyon.

Marahil ay may mga kadahilanan ang kagawaran ng pamatay-sunog at kailangan din nating marinig at unawain ito.
Hindi natin matatawaran ang mga sakripisyo at hirap ng mga bumbero sa pagtupad ng kanilang mga sinumpaang tungkulin na kalimita’y nasusuong sa panganib at naisaalang alang ang buhay. Katunayan ay may mga nagbuwis na ng buhay. Sa patuloy na pag unlad ng lungsod sa imprastruktura at pagkakaroon ng matataas na mga gusali ay panahon na marahil upang magkaroon ang lungsod ng Baguio at buong BFP-CAR ng mga makabago at sopistikadong kagamitan kasama ang mga naangkop na kaalaman sa pamamahala ng malalaking sunog.

Nitong Mayo 2024 ay naglabas ng PhP2.880 bilyon pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa pagbili ng mga bagong firetruck at emergency vehicles upang pasiglahin ang kasalukuyang pagsisikap sa modernisasyon ng kagawaran. Prayoridad ng nasabing pondo ang nasa 100 munisipalidad upang magkaroon ng lubos na saklaw ng proteksiyon sa sunog at sakuna, pagtatayo ng mga fire station at pagrecruit ng mga bagong bumbero at pagpapahusay ng mga pagsasanay para sa mga pamantayang tinatanggap sa buong mundo.

Napapanahon na upang bigyan ng mas malakas na kapasidad ang BFP sa buong bansa kaakibat ang paglaan ng mas malaking pondo dahil sa hindi na mapipigilang pagbabago ng panahon at pagdating ng mga malalakas, mapaminsala at kakaibang mga sakuna. Kung may usok ay may sunog, kaya habang usok pa lang ay makontrol na ito dahil ika nga, mas mainam nang manakawan kaysa masunugan.

Amianan Balita Ngayon