Mga Pinoy, di na natuto sa scam?

Daplis Walang Mintis Opinion

Masakit mang tanggapin, totoong marami pa ring Pinoy ang hindi pa natuto sa sandamukal na mga scam o panloloko sa ating lipunan. Pinaka-maruming scam ay kapag pera na ng mga taxpayer ang dawit. Ehemplo: DAP, PDAF, Malampaya, palusot-scam ng mga illegal kasama ang droga sa BOC (kustom), mga palusot-patong-komisyon sa mga purchase ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at napakarami pang scam. Ang mapait, mula nang mabuking o nabulgar, wala nang mga talak. Susmaryusep! E, papaano na ang mga imbestigasyong ginawa? Meron ba? Susmaryusep ulit!

******

Ilang taon na ang nakalilipas, di pa rin limot ang diumano’y suhulan sa mga senador para mapatalsik sa puwesto ang namayapang si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. May scam diyan pards, ayon sa ating balik-tanaw ng Daplis.  Mismong si dating senador Jinggoy Estrada ang umupak at umamin na inalok silang mga taga-oposisyon na maghanap daw ng proyekto. Sinong nag-alok?  Sabi ni Jinggoy ay si Sen. Drilon daw bilang chairman ng Committee on Finance sa panahong yun. Umabot daw sa P50 milyong ang pondong inilaan sa bawat proyekto nila (Sen. Revilla at Sen. Enrile) habang sa mga administration senators ay mula P90 hanggang sa P100 milyon.  At ayon pa kay Jinggoy dahil sa pagkabuking ng planong ito, nagkaroon daw ng selective justice kung saan sila lang ni Revilla ang nakulong. Buti na lamang ay nakapag-piyansa si Jinggoy.  Scam yan pards, pero bakit parang naglahong bula na ang usapin? Dapat lahat ng mga dawit diyan ay nakulong o nakasuhan. Pero bigla yatang tumahimik. Tsk tsk, limot na yata ang scam, kabayan.

******

Pumasok ang scam sa PDAF. Maraming idinawit sa listahan noon. Meron pa daw batch 2 at etsetera pang batch.  Pero tatlong senador lang ang nakulong. Nasaan na ang iba pang idinawit noon? Sabi nga mga daplis kamakailan kung kakalkalin ulit ang scam na ito, tiyak na maraming kapanalig ng dating administrasyon (Aquino) ang masasakote. Ibig bang sabihin, sinadya nilang nilinis ang kanilang sarili dahil nasa team-administration sila noon? Papaano naman ang mga idiniin na taga-oposisyon?  Hayy buhay nga naman. Ang gagaling nilang gumawa ng scam at mas magaling silang lumusot, hinaing ng mga nakakaalam. Pero ngayong panahon na ni Pres. Duterte, mababalikan kayang hihimayin ang mga scam na yan? Tsismis nga ng mga madadaldal: baka kukulangin tayo ng kulungan sa Kampo Krame pag nagkataon. E di sa ngayon pa lang, magpatayo na sila ng mas maraming kulungan! O kaya’y dalhin sila sa Bilibid, he he, ayos!

******

Eh papaano kaya yung Dengvaxia scam? Yan ang malaking Ssumarya Santisima. Tapos na ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ng senado. Pinakakasuhan ng  kriminal si dating Pangulong Benigno Aquino III at kanyang mga kasama na sina dating Budget Sec. Butch Abad at dating Health Sec. Janette Garin sa umano’y pagsasabwatan sa pagbili ng P3.5 bilyong dengue vaccine na Dengvaxia. Grabeng scam ire, sigaw ng marami.  Kawawa ang mga naturukan (800,000plus) na karamihan ay mga batang mag-aaral.  “Aquino, Garin, Abad and other officials are primary conspirators and must be held criminally liable,” banat ni Sen. Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Dick Gordon.  Anak ng bakang bakla, pag nagkataon kung guilty ang mga yan at makukulong bale apat na silang taga-LP daw ang magkakaselda kasama si detenadong senador De Lima.  Tsk tsk, nang dahil sa scam, lalong nabubulok ang dangal nating Pinoy, pwe! Sige tapusin na ang mga yan at kung sinong nagkasala, parusahan! Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos!