Laging kontrobersiya at pinag-uusapan ang mga upak ni Pres. Duterte. Ito’y isang katotohanan na hindi lang pang-Pilipinas kundi pang-World pa! At sino nga ba naman ang hindi matataranta kung makakarinig ka ng mga banat ng pangulo na nakakakiliti lalo na sa mga isyung delikado. Sige, ating tustahin ang mga nagbabagang kontrobersiyang yan.
**********
Kamakailan lang, naging laman ng huntahan ang sumambulat na mga salita mula kay Digong. Yan ang isyu sa kanyang matinding pagmamalasakit sa OFWs lalo na yaong mga namolestiya sa iba’t ibang bansa. Ang matindi kasi ay ang nangyari sa isang OFW na isang taong nakasilid sa loob ng freezer. Hanggang ngayon, di pa nahuhuli ang mga suspek. At dahil sa galit ng pangulo, nasabi niya tuloy na kaya niyang isanla ang kanyang kaluluwa sa demonyo para sa OFWs. Kung mahina ang kapit mo, tiyak laglag ka sa kangkongan. Siya lang ang pangulo ng bansa na nagsabi niyan. Marami ang humanga sa pagmamalasakit na ito ni Digong, bagamat siyempre, wala pa ring bilib ang mga kontra sa kanyang pamamahala.
*********
Dahil din sa kanyang galit sa hirap na dinaranas ng ating mga OFW, nag-utos si Digong ng total ban sa pagpapadala ng mga kababayan nating trabahador sa Kuwait. Tuloy, marami na ang umuuwi mula Kuwait dahil sa sinasapit na pagmamaltrato roon. At dahil sa amnestiya na ibinukas ng Kuwait sa mga undocumented OFW, daan-daan na ang umuuwi. TNT ang mga ito kaya bumabagsak sila sa pagkapit-patalim kahit buhay na nila ang katapat. Pero ngayong may amnesty, legal na silang makakauwi. Sabi nga ni Pangulong Digong: “The ban will continue and it will extend to other countries. Mahirapan sila, well, humihingi na ako ng tawad sa inyo. I will not allow… Hindi…Wala akong plano na ipadala kayo doon tapos babuyin lang kayo. Hindi ko style yan.” In short, ang punto ni Digong ay – ayaw niyang mabababoy ang mga Pilipino sa ibayong dagat. Dagdag nga ng pangulo: “Magalit na kayo nang magalit sa akin, tutal basta ako, trabaho lang. Mawala na ako sa politika. Wala na talaga. I’m done and wala na akong ambisyon”. May mga negatibo kasing komento laban sa total ban ni Digong. Kawawa naman daw ang mga gustong makapagtrabaho sa ibang bansa upang umangat naman ang buhay. Ang nais naman ni Digong para sa mga OFW ay makabalik ang mga ito sa bansa at mabigyan ng pangkabuhayan sa Pilipinas para hindi sila binababoy at nakakaranas ng pagmamalupit mula sa kanilang mga amo.
**********
So ang banat ni Digong na – Kaya niyang isanla ang kaluluwa sa demonyo para sa mga OFW ay sinundan ng ayaw niyang mababoy sila sa kamay ng kanilang mga amo. Pero sandail lang pards, may mas bago pa riyan. Meron pa? Oo, mga kabayan, lalong kontrobersiya ngayon ang mga kataga ni Digong na: “Kung gusto ninyo, gawin niyo na lang kaming province, parang Fujian, Province of Philippines, Republic of China!” Upak yan ng pangulo sa harap ng Chinese Ambassador at mga Filipino-Chinese businessman kamakailan sa isang pagtitipon. Ayon kay Digong, mawawala na raw ang problema ng mga Pilipino kung magiging probinsiya na lang ng China ang Pilipinas, bagay na tinawanan ng mga panauhin. Daplis agad naman ng mga nakakaunawa, joke lang ito ni Digong. Pero kambio ng mga kontra-Duterte, kahit joke lang, masama ang dating. Kayo, anong say ninyo? Adios mi amor, ciao, mabalos.
February 24, 2018
February 24, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025