Minimum wage sa Cordillera, tinaasan

LUNGSOD NG BAGUIO – Epektibo sa Hunyo 5, 2017 ay itataas ng P300 ang minimum wage sa Baguio City at La Trinidad, ito ang inanunsiyo ng Cordillera Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) kamakailan.
Sinabi ni RTWPB-Cordillera chairperson Exequiel Guzman na ang pagtaas ay inaprubahan ng board na binubuo ng kinatawan ng mga manggagawa at mga employer matapos ang ilang pagdaraos na public hearings at konsultasyon.
Sa ilalim ng kautusan, ang lahat ng industriya o sector na may 11 empleyado o higit pa ay P300 ang minimum wage kabilang ang P15 cost of living allowance (Cola), habang ang 10 o mas mababang empleyado ay P285 ang minimum wage kabilang ang P15 Cola.
Samantala ang minimum wage sa higit 11 empleyado sa Tabuk City, Bangued, Bontoc, Lagawe, Banaue, Buguias, Bauko, Sagada at Tublay ay P290 kabilang ang Cola at ang mas mababa sa sampung empleyado ay P280. Ang pinakamababang minimum wage sa ibang lugar ng rehiyon maliban sa nabanggit ay may minimum wage na P280 sa higit 11 empleyado at P270 sa mas mababa sa sampu.
Hindi sakop sa kautusan ang mga nagtatrabaho bilang personal service para sa ibang tao at domestic workers alinsunod sa Republic Act (RA) 10361 o ang Batas Kasambahay, at mga manggagawang rehistrado sa Barangay Micro Business Enterprise na may Certificate of Authority alinsunod sa RA 9178 o ang Barangay Micro Business Act of 2002.
Ayon kay RTWPB-Cordillera board secretary Augusto Aquillo ay hindi sila makapag-isyu ng increase order across the board dahil limitado ang kanilang awtoridad sa pagsasa-ayos lamang ng minimum wage.
Maaaring isipin ng ilan na maliit ang pagtaas subalit ito ay base sa determinasyon ng bawat lungsod at munisipalidad gayundin ang sitwasyon ng ekonomiya ng mga employer at iba pang bagay, ani Aquillo.
Para sa domestic workers sa rehiyon ay P3,000 bawat buwan ang minimum wage sa mga nagtatrabaho sa mga lungsod at first class municipalities at P2,500 sa ibang munisipalidad.
Kabilang dito ang mga housekeeper, yaya, cook, hardinero, tagalaba, o kahit sinong regular na nagtatrabaho sa isang bahay sa ilalim ng occupational basis. Hindi kabilang ang service providers, family drivers, children fodder family arrangement at sinumang nagtatratbaho ng paminsan-minsan at hindi sa occupational basis.
Ang RA 6727 o ang Wage Rationalization Act ay nagbibigay kapangyarihan sa RTWPB na determinahin at ayusin ang minimum rates na aplikable sa mga rehiyon at mag-isyu ng karampatang kautusan alinsunod sa tuntuning inisyu ng National Wages and Productivity Commission. ABN

Amianan Balita Ngayon