Misting at spraying ng disinfectant, bawal pa din-DILG

Mahigpit ang paalala sa publiko kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bawal pa rin ang misting at spraying ng disinfectant sa mga tao, kasunod na rin ito nang pagkamatay ni Police doctor Casey Gutierrez na nakalanghap diumano ng disinfectant sa isang quarantine facility sa Pasig City.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kalungkutan si DILG Secretary Eduardo M. Año sa nangyari kay Gutierrez, at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng 31-anyos na doktor.
“Ikinalulungkot namin ang pangyayaring ito lalo pa’t nilinaw naman ng DILG at ng Department of Health (DOH) noong Abril pa na mapanganib sa kalusugan ang misting at spraying,” ayon kay Año.
“Napakasaklap mawalan ng isa na namang frontliner doctor sa gitna ng pandemya. Ang masakit pa rito’y kapabayaan ang ikinamatay ni Capt. Gutierrez, hindi ang kalaban nating COVID-19 (coronavirus disease 2019),” dagdag ng kalihim.
Inatasan rin ni Año ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahang mabuti
ang insidente at siguruhing lalabas ang katotohanan sa imbestigasyon at mananagot ang dapat managot.
“Tiyakin ninyong wala nang susunod na ganitong insidente,” pagdidiin pa niya. Muli rin niyang ipinarating sa mga local government unit (LGU) at mga attached agencies ng DILG, kasama na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP), ang panganib na idinudulot ng ganitong mga kemikal sa kalusugan ng tao.
Iginiit ng kalihim na alinsunod sa DOH Memorandum 2020-0157, hindi pa napapatunayan na ang malawakang fogging, misting at spraying ay pumapatay sa virus.
“Dapat malaman ng mga LGU at mga pampubliko at pribadong opisina na nakadadagdag pa sa mga problemang pangkalusugan ang misting dahil lalo pang kumakalat ang mga pathogen at magdudulot ng skin irritation at pagkalanghap ng mga kemikal. Maaari rin itong maging sanhi ng polusyon sa kalikasan,” paliwanag ni Año.
Sa kanyang Advisory noong Abril 18, 2020, una nang pinayuhan ng Kalihim ang mga LGU na ipagbawal ang pagtatayo ng mga disinfection tents, misting chambers o sanitation booths lalo na kung hindi nakasuot ng personal protective equipment ang mga papasok sa mga ito.
Nakasaad sa advisory na ang mga kemikal tulad ng hypochlorite ay sanhi ng pangangati ng balat at mucous membrane (sa mata, ilong at lalamunan) at maaaring makasama kapag nalanghap.
Limitado din daw ang mga pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ang mga chemical disinfectant.
“Bagamat maganda ang intensyon ng misting, nilinaw na po ng DOH na ‘di ito mainam sa kalusugan. Maging maalam tayo sa mga dapat at hindi dapat gawin habang sama-sama nating sinusugpo ang COVID-19 sa isang sistematiko at siyentipikong paraan,” ani Año.
Almar Danguilan/ABN
 

Amianan Balita Ngayon