Moratorium kontra demolition, nakaangkla sa konseho

LUNGSOD NG BAGUIO – Aprubado sa ikalawang pagbasa ang mungkahing panukala na magbibigay ng moratorium sa demolisyon sa mga istraktura na naitayo sa lupang hindi nito pag-aari.
Ayon kay Councilor Edgar Avila, na naghain ng naturang ordinansa, mayroong mga pagkakataon na kahit ang isang tao ay may naitayong istraktura sa loob ng mahabang panahon ngunit may mga nagrereklamo para sa tinayuang alienable and disposable public land, nagiging isang paraan upang i-harass o gipitin ang nagpatayo ng istraktura ang pagkuha ng demolition order.
Marami na sa mga nagreklamo laban sa mga nakaraang demolisyon na isinagawa ng lungsod sa lupain ng BIBAK (Benguet, Ifugao, Bontoc, Apayao, Kalinga) sa Harrison Road, Baguio City at sa lugar ng Irisan dumpsite ang nangatwiran gamit ang Presidential Decree No. 1096 o ang National Building Code of the Philippines.
Kinailangan ng lungsod ang pag-demolish sa BIBAK area dahil lumalala na ang illegal squatting sa lungsod ngunit nadismaya si Mayor Mauricio Domogan noong nakaraang taon dahil halos 180 istraktura lamang ang nademolis at mayroon pang 150 na nakatayo.
Iniuutos ng ordinansa sa mga istraktura na may nakabinbin na kaso tungkol sa kanilang Torrens Title sa Registry of Deeds ang maagang pag-asikaso nito.
Sa ilalim ng Civil Code of the Philippines, kapag tumagal na nang 30 taon o mahigit pa ang mga istrakturang nakatayo ay dapat  maayos na nagbayad ng buwis ang nagpatayo ng istraktura sa loob ng nasabing panahon sa Office of the City Assessor para maka-apply ng Mayor’s Status Quo Order (MSO).
Ang MSO ay magiging epektibo lamang sa panahon na naaprobahan ang ordinansa. Makukuha lamang ng aplikante ang kanyang tunay na Torrens Title pagkatapos ng 10 taon mula sa araw ng kanyang pagsumite ng MSO sa Committee on Urban Planning Lands and Housing sa Sangguniang Panlungsod at kapag napatunayan ang pagpapabuti ng kanyang taxation purposes sa city assessor.
Mabibigyan ang mga aplikante ng 10 taon na suspension of demolition orders kapag sila ay naka-apply ng MSO sa lungsod. Kapag hindi naaprobahan ang application, babawiin ang MSO at dedesisyunan ng lungsod ang kanilang magiging aksyon.
Hindi nalalapat ang ordinansa sa mga titled properties, minahan, timber land na nauuri sa alienable at disposable, road right of way (RROW), city property, at national government property. DEBORAH AQUINO, UC INTERN

Latest News

Amianan Balita Ngayon