Murder suspect na ex-chief ng La Union, timbog

CAMP DANGWA, BENGUET – Timbog ang dating police chief sa probinsya ng La Union at isa sa mga suspek sa 2014 murder case, matapos ang ilang taong pagtatago nito.
Kinilala ni Police Regional Office Cordillera (Procor) Regional Director Police Chief Supt. Edward Carranza ang suspek na si Chief Inspector Diosdado Mirado Mejala, dating chief of police ng Tubao, La Union.
Naaresto si Mejala sa paligid ng Camp Crame sa Quezon City umaga ng Abril 2.
Sinabi ni Carranza na inaresto si Mejala sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 5 sa Baguio City, para sa kasong pagpatay na ipinila laban sa kaniya na walang inirekomendang piyansa.
Si Mejala ay kinilala bilang No. 5 Top Most Wanted Person (TMWP) sa Cordillera noong 2017 at para sa una at ikalawang quarter ng 2018.
Si Mejala ay isa sa mga suspek sa pagpatay kay Frank Joselito Dacanay Lopez noong Hunyo 17, 2014. Ang bangkay ni Lopez ay itinapon sa Suello Village, Baguio City.
Pinuri ni Carranza ang mga miyembro ng operating units na humuli kay Mejala.
Inulit niya ang utos sa lahat ng pangkat ng police sa rehiyon na ipagpatuloy ang mga operation kontra sa mga wanted persons. P. AGATEP, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon