Sa ilalim ng Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ay inuutusan ang lahat ng local government units na isara ang kani-kanilang open dumpsites at palitan ito ng controlled facilities na makakalikasan at katanggap-tanggap upang maprotektahan ang kalusugan at kagalingan ng tao at ng estado ng kaligiran. Labing anim na taon na ang nakalipas mula nang ipasa ang batas subalit kaunti lamang na bilang ang tumugon sa probisyon ng batas dahil sa nahihirapan umano ang mga lokal na pamahalaan na makahanap ng lupa na angkop sa kaukulang pasilidad at gayundin may kahirapan sa pagkuha ng social acceptability par sa proyekto.
Kaugnay nito ay inaatasan ng batas na ito ang lahat ng local government units na maghanda at magsumite sa National Solid Waste Commission (NSWMC) ng kanilang 10-year solid waste management plans (SWM) na iniindorso ng lokal na lehislatura at pang-rehiyon na tanggapan ng Environmetal Management Bureau (EMB) para maaprubahan at implementasyon nito.
Nakasaad sa plano kung paano lumikha ng mga solusyon sa problema sa basura ang mga pamahalaang lokal sa buong bansa. Tanging ang lungsod ng Baguio sa buong Kordilyera ang may aprubadong sampung taon na solid waste management plan ng NSWMC noong nakaraang taon matapos kuwestiyunin ito ng Sangguniang Panlungsod dahil hindi pa nila ito inaaprubahan. Hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagbibigay ng problema sa lungsod ang basura at patuloy pa rin ang paggastos ng napakalaking halaga na nasa 75 hanggang 80 milyong piso sa paghakot at pagdala sa Capas, Tarlac. Noong una ay pumapatak sa P3,400 kada toneladang basura at kalauna’y naibaba ito sa P1,432 bawat tonelada ng basura. Kung titingnan ay mahal pa rin ito. Nasa mahigit 450 tonelada ng basura ang naiipon sa lungsod bawat araw at nasa 150 tonelada ang tinatapon sa Tarlac araw-araw ng isang pribadong kompanya.
Marami ng sinubukang hakbang ang lungsod gaya ang pagsubok na pansamantalang “staging area” sa Longlong, La Trinidad hanggang sa pagbili sa isang lote sa Sto. Tomas na tinututulan ng mga residente sa nasabing lugar, lahat ng ito hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan.
Sa haba ng panahon ay bakit tila nahihirapan ang lungsod na makakita ng isang lugar para pagtayuan ng sinasabing Engineered Sanitary Landfill (ESL) kahit na marami namang bakanteng lupa ng gobyerno na pwedeng walang gastusin sa pagbili ang lungsod. Bakit pa ipinagpipilitan ng lungsod ang isang pribadong lupa kahit na mahal ito at pagmamay-ari yata ng isang diumano’y opisyal ng lungsod.
May mga nagpahayag nang mga kompanya, mga dayuhan at lokal at nagsumite ng kani-kanilang mga planong makabago at angkop sa itinatakda ng gobyerno subalit walang inaprubahan ang lungsod kahit pa sa tingin ng mga eksperto ay katanggap-tanggap ito.
May nakikita kayang pansariling interes dito at may bahagi ang ilan sa halaga ng pagbibiyahe ng basura sa Tarlac? Tunay ngang may pera sa basura at pati dito ay may nangongomisyon kahit pa nagagastusan ang lungsod ng malaking halaga bawat taon imbes na ipunin ito at gastusin na lamang sa ibang makataong proyekto. Kahit pa anong pilit ng gobyerno na paalalahaan ang mga residenteng maghiwalay ng mga basura at kahit paano ay mabawasan ang basurang hinahakot kung patuloy namang hindi makadesisyon ang pamahalaang lungsod ay hahaba pa at patuloy na bibigat ang problema sa basura. Pmcjr.
March 11, 2017
March 11, 2017
September 13, 2024
August 31, 2024
August 24, 2024
August 17, 2024