Nag umpisa nang mangamoy eleksyon saan man dako ng bansa. Sa katunayan, pinasabugan na nga ng granada ang bahay ng Administrator ng La Paz, Abra madaling araw ng Huwebes nung nakaraang linggo. Swerte’t walang
nasaktan, ngunit ang initsang granada sa bahay ni Perfecto “Pope” Cardenas ay gumimbal sa relatibong tahimik nang pamayanan ng Bangued, ang capital ng Abra.
Ayon kay La Paz Mayor at League of Municipalities of the Philippines (LMP) national chairman JB Bernos, matunog ang pangalan ni Cardenas sa Bangued dahil bukod sa ito’y dating 3-term na Konsehal, naka-isang terminong miyembro din ng Sangunniang Panlalawigan at Director ng Civil Service Commission (CSC). Marahil maraming
gustong manakot sa kanya dahil napipintong apat hanggang lima ang marahil makakalaban nito sa pagka Mayor ng Bangued.
Isang maaring makakatunggali ni Cardenas sa Mayo 2025 ang isang dati nang Mayor na nagmumula sa islang
malaking political clan. Isa pa’y kasalukuyang Konsehal. Isa ding kasalukuyang nakaupo sa mataas na posisyon sa
probinsya ng Abra ang nagbabalak sa pagka-Mayor at isa pang mula sa isa ring makapangyarihang political clan ng Abra sa kasalukuyan. Lahat ng mga nabanggit na nagpapahiwatig na mayorables ng Bangued ay may mga
malalaking pulitikong backing at mga loyalista.
Siguradong mainitan ang pagsasabong nila sa darating na halalan. Iisa lamang ang ipinapahiwatig ng paghahagis
ng granada sa bahay ni Cardenas. Kinakatakutan siyang lumaban sa posisyon, baka siya ang piliin ng botanteng nagsasawa na sa pabalik-balik na mga mukha sa Bangued. Bukod sa actual na granada, hindi na rin magkamayaw ang siraan sa pamamagitan ng mga “pasabog” sa social media kontra sa mga pulitiko gaya nang pagsasangkot kay Mayor JB Bernos sa smuggling at labis na karangyaan ng pamumuhay.
Ipinagkibit-balikat lamang naman ni Mayor Bernos, na kung tawagin ay “CongMayor” dahil pasado itong Congressman, na bumalik bilang Mayor ng La Paz. Isa lamang diumano itong “demolition” sa kanya kahit hindi naman daw siya tatakbong Governor ng Abra, kundi bilang kinatawan ng isang partylist. Normal naman ang
patutsadahan, pasaringan at batuhan ng akusasyon tuwing halalan. Ang masama’y huwag sana na namang maging normal ang kaguluhan at pagdanak ng dugo sa darating na halalan sa Abra.
July 21, 2024
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025