LA TRINIDAD, BENGUET – Anim na armado at nakamaskarang lalaki ang nanloob sa bahay ng isang negosyante at kapatid nitong guro sa sitio Calbayan, Katabbogan, Pinukpuk sa probinsya ng Kalinga at nagpakilalang ipinadala diumano ni Presidente Rodrigo Duterte noong hapon ng Lunes (Mayo 8).
Tinangay ng mga armadong lalaki ang isang M16 “baby” Armalite rifle at hindi pa malamang halaga ng pera mula sa bahay nina Lilibeth Guzman Cabasag, 38, at kapatid nitong si Jerremy Cabasag, 24, dakong 2:50 ng hapon.
Sa bahay ni Lilibet ay bigla na lamang umanong pumasok ang mga suspek at nagsabing, “Ayan na ti shabu, adda nag-tip kanyami. Ken ayan na ti kwarta? (Nasaan ang shabu, may nag-tip sa amin. At nasaan ang pera?)”
Isa sa mga suspek ang diumano ay nanutok ng baril sa babaeng negosyante at sinabunutan ito habang inuutusang dumapa sa sahig. Ang iba pang kasama ng suspek ay pinagbubukas ang mga kabinet at drawer sa loob ng kuwarto. Nakuha ng mga ito ang rifle at cash.
Nilooban din ng mga suspek ang bahay ni Jeremy na dalawang metro lamang ang layo sa bahay ni Lilibeth. “Saan kayo nga agpukkaw ta imbaun dakami ken Duterte, adda lang biruken mi (Huwag kayong sisigaw dahil pinadala kami ni Duterte. May hinahanap lang kami),” pahayag ng mga suspek habang nakatutok ang isang pistol sa guro.
Binuksan din ng mga suspek ang mga kabinet, drawer at isang bag at kinuha ang wallet na may P1,300 cash, driver’s license, tatlong ATM Landbank cards, GSIS HUMID card, PRC license card, TIN card at Philhealth card.
Ang mga suspek ay tumakas sa national road at sumakay sa puting van na hindi nakita ang plaka at isang itim na motorsiklo na ginamit ng nagsilbi nilang lookout.
Hinabol ng mga pulis ng Pinukpuk ang mga suspek ngunit hindi nila nahuli ang mga ito. Ace Alegre / ABN
May 14, 2017
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025