‘NGAYONG KAPASKUHAN, MAS MAINAM MAMIGAY KESA TUMANGGAP’

Mariing binalaan ni Cordillera police director Brig. Gen. Mafelino Bazar ang kapulisan sa lahat ng anim na probinsya ng Rehiyon kasama ang dalawang syudad—Baguio at Tabuk – na huwag
mamasko. Hindi rin tatanggap ng pamasko. Alam ni Bazar na aminin man o hindi ng mga pulis, ang pagtanggap ng pamasko ay makakaapekto sa paggampan ng bawat isa sa mga alagad ng batas sa kani-kanilang mga tungkulin.

Kahit batid ng hepe ng Cordillera police na mabuti man ang intension ng sino mang pulis na magsolicit, malaki naman ang pangambang mamamasamain ito ng publikong makakasaksi sa pamamasko nila at dudungisan lalo ang imahe ng kapulisan. Sa kabilang banda nama’y mairiin ding sinusuway ni BGen. Bazar ang publikong mamigay ng pamasko, kahit ito’y bilang pagtalima sa
magandang serbisyo ng kapulisan sa kanila.

Hindi na daw kailangan pa ng mga pulis ang ano pa mang regalo dahil natanggap na ang year-end
bonus at iba pang cash incentives at sasapat na iyon upang magdiwang ng Pasko. Sino mang pulis na mapapatunayang namasko, dagdag pa ni BGen. Bazar, ay haharap sa kasong administratibo at kriminal sa ilalim ng Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials
and Employees).

Sa section 3 ng RA 6713, ipinagbabawal ang lahat ng public officials, naihalal man o na-appoint, pati na rin ang mga empleyado (permanente man o temporaryo), o di kaya’y career o non-career service, kasama na ang military at police, kahit pa hindi pinapasweldo ng pamahalaan ang mag-solicit ng ano mang halaga o tumanggap ng regalo, pabor o ipinapautang (bagay man o salapi) habang sila’y naninilbihan sa pamahalaan.

Mas mainam na magbigay ng pamasko sa mga higit na nangangailangan, ani pa ni Bazar. Napakalaking hamon na isabuhay ang tagubilin ni BGen, Bazar hindi lamang ngayong kapaskuhan kundi sa buong taon. Ngunit, teka, bakit mukhang sa kapulisan lang may ganitong tagubilin o
pagpapaalala? Hindi na ba kailangang paalalahanan ang iba pang mga kagawad ng ibang ahensya?

Amianan Balita Ngayon