Nigerian national binangga ng taksi, patay

Patay ang isang babaeng Nigerian national habang papatawid sa kalsada nang banggain at takbuhan ng isang taksi na muling nakabangga sa isa pang taksi na naganap sa may Magsaysay Avenue noong Martes (Mayo 9) sa siyudad na ito.
Kinilala ni Superintendent Arman Gapuz, chief ng Traffic Management Bureau ng Baguio City Police Office, ang biktimang si Oreoluwa Tope Oyinloye, 29, Nigerian national, BS Nursing student sa AMA Computer School at nakatira sa Aurora Hill, Baguio City.
Ayon kay Gapuz, nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property ang drayber na si Julio Goloyogo Balangue,67, ng 8 Block 3 Middle Quirino Hill, Baguio City. “Nasa desisyon na ng korte kung isasama sa kaso ang hit and run, dahil imbes na tulungan niya ang biktima ay mabilis pa niyang pinatakbo papalayo ang kanyang taksi.”
Sa imbestigasyon, minamaneho ni Balangue ang Toyota Innova Wagon Taxi na may plakang AAA-1419, mula sa direksyon nito sa may EN Clean Gasoline Station at patungo sa kabilang kalsada nang mabangga nito ang biktima, ika-2 ng hapon.
Sa halip na hintuan at tulungan ang biktima na maidala sa hospital ay umarangkada ang taksi sa lower Magsaysay Avenue, hanggang mabangga naman nito ang isang Isuzu Crosswind Wagon Taxi na may plakang AYT-420, na minamaneho ni Roy Rogelio Singina Lacaben, 51, ng Betag, La Trinidad, Benguet.
Ang nakabulagtang biktima ay nirespondehan ni Barangay Captain Debbie Saddot Banagui at isinugod sa Pines Doctor’s Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival. Zaldy Comanda

Amianan Balita Ngayon