‘No sign of life’, idineklara sa Itogon landslides

LUNGSOD NG BAGUIO – Makalipas ang 12 araw na search and rescue operation ay idineklarang “no sign of life” mula sa mga biktima ng landslides sa Barangay Ucab sa Itogon, Benguet at iniutos na mag-focus na lamang sa search and retrieval sa mga natabunang bangkay.
Ang deklarasyon ay ipinahayag ni Secretary Francis Tolentino, presidential adviser on political affairs, at inatasan ang mga volunteers na mag-focus na lamang sa search and retrieval, dahil wala nang senyales na may makikita pang buhay sa natabunan ng tone-toneladang lupa sa Ucab landslides.
“We are declaring that this is purely retrieval operations, as no sign of life is being detected,” pahayag ni Tolentino sa isang media briefing noong Martes (Setyembre 25).
Sa huling datos ng Cordillera Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) noong Huwebes (Setyembre 27), ika-10 ng umaga, ay naitala ang 111 namatay sa Cordillera at 22 pa ang missing.
Ang lalawigan ng Benguet ang may pinakamataas na bilang na nasawi sa landslides na 91 at ang 86 ay mula sa Itogon; 3 sa La Trinidad; 1 sa Bokod;1 sa Tuba; 1 sa Kalinga; 6 sa Mt. Province at 13 sa Baguio City.
May 16 pa ang hinahanap sa Ucab landslides; 4 sa Loakan at 2 sa Virac, pawang sa Itogon at 2 sa Baguio City.
Nabatid na dalawang backhoe ngayon ang naghuhukay sa Ucab upang mapabilis na makuha ang mga labi ng natitirang biktima.
Tinatayang may 5,000 hanggang 7,000 katao ang inilikas mula sa pitong barangay ng Itogon, lalong-lalo na sa mga nakatira sa geohazard at landslides prone areas ang puwersang inilikas bago pa man dumating ang typhoon Paeng.
Nagsasagawa naman ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng psycho-social processing sa mga kamag-anak ng mga biktima, upang mabawasan ang sakit na kanilang nararamdaman mula sa malagim na trahedya.
Ayon kay DSWD regional director Janet Armas, ang mga grupo ng psychologists ay nagsasagawa ng stress debriefing and trauma counseling sa mga pamilya ng namatayan.
Aniya,  ”There will be an augmentation of nurses coming from the DOH (Department of Health) to help during the conduct of the debriefing and counseling of the families of the victims, especially the relatives of those still missing under tons of mud.”
“We will not stop until the last body will be accounted,” ito pahayag ni PROCOR Chief Supt.Rolando Nana, na umaasa, kasama ang kanyang mga tauhan na may makuhang survivor sa landslide areas.
Ang team PROCOR ang nanguna sa search, rescue and retrieval operations nang maganap ang mga landslides sa Itogon mula sa pananalasa ng bagyong Ompong noong Setyembre 15. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon