NPA medical officer sa Abra, sumuko

Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang diumano’y medical officer ng New Peoples Army sa Abra noong Abril 7, 2018 matapos itong makumbinsi ng kaniyang kapatid na dati ring rebelde.
Sumuko sa mga militar si Jocelyn Boyogan Saoadan alias “Ka Myca”, 29, tubong Boliney, Abra na may Colt M16 rifle na may sirang serial, empty magazine ng armas at 20 bala ng parehong armas.
Ayon sa militar sa Kalinga, kinumbinsi ng kapatid nito at dating rebelde na si William Boyogan Saoadan, alias “Ka Mortar”, si Jocelyn na talikuran ang madugong pakikipaglaban sa gobyerno.
Tinanggap ng Intelligence operatives mula 24th Infantry Battalion ang pagbabalik ni Ka Myca, na dating medical officer ng Squad Dos, Kilusang Larangang Gerilya Montes ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA, sa awtoridad noong madaling araw ng Abril 7, 2018.
Ayon pa sa militar, si Ka Myca ay nakalista sa Order of Battle (OB) sa ikawalong puwesto ng Platoon-Uno KLG Montes sa unang semester ng 2017 na nagpapatakbo sa Tubo, Abra  hanggang sa Mountain Province at Ilocos Sur (AMPIS). A. ALEGRE

Amianan Balita Ngayon