Pagpatay sa lolo, palaisipan sa pulis sa Apayao

Hindi pa rin maresolba ng mga pulis ang palaisipan sa pagpaslang sa isang 74 anyos na lolo na bahagyang nasunog sa loob ng kaniyang bahay sa probinsiya ng Apayao.
Natagpuang patay si Rudy Pascua sa kaniyang tahanan sa Purok Guinto, Poblacion West, Flora, Apayao ng kaniyang apo umaga ng Abril 9 na nababalot sa sunog na damit at kumot habang nakaupo katabi ng kaniyang kama at nakaharap sa dingding.
Ang lolo ay nadiskubre ng kaniyang apo na may sugat sa kaniyang leeg na pinaniniwalaang sanhi ng matigas na bagay.
Isiniwalat ng government physician na si Teofanes Gañac, health officer ng Flora, na ang biktima ay mahigit 24 oras nang patay noong matagpuan ito.
Nahaharap sa matinding palaisipan ang pulisya kung ano ang dahilan ng pagpatay. A. ALEGRE

Amianan Balita Ngayon