Obligasyon ni DENR Sec. Gina Lopez, sa isang tao o sa mas nakararami?

Editorial

Matatawag ngang napakamakasaysayan o hindi man nakakagimbal ang naging pasiya ni DENR Secretary Gina Lopez na ipasara (agad-agad) ang operasyon ng 23 malalaking minahan sa buong bansa, lima ang nasa bingit ng suspensiyon at 12 lamang ang nakapasa sa panlasa ng kalihim ng kaligiran at sa ginawang “mining audit” sa nakalipas na pitong buwan. Sa probinsiya ng Benguet ay tanging ang Benguet Corporation, ang pinakamatandang minahan sa bansa, ang isasara at suspensiyon naman ang ipapataw sa Lepanto Mines habang ligtas ang Philex Mining Corporation.

Ang naging basehan ng pagsasara – “functional watershed” o ang pagkasira daw ng mga bukal ng tubig at madali itong ibinintang ni Lopez sa gobyerno at DENR sa pagdurusang idinulot ng mga operasyon ng minahan sa mga kumunidad. Idinamay pa ni Lopez ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa diumano’y mabagal na pagsasagawa ng mining audit dahil nais daw ni Presidente Duterte ang mabilis na paggalaw ng mga papeles. Kinuwestiyon ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) ang mining audit ng MGB at tila hindi ito ang basehan ng DENR sa pag-review.

Ayon sa mga may-ari ng minahan ay nasa 1.2 milyon katao ang maaapektuhan sa naging kautusan subalit sa ulat naman ng MGB ay nasa 219,000 lamang. Gaano man ang diperensiya sa bilang ay nagdudumilat ang katotohanan na napakarami ang direkta at di-direktang maaapektuhan sa biglaang desisyong ito. Paano na ang kinabukasan ng maraming anak at kapamilyang dumedepende sa mga mawawalan ng trabaho? Handa ba, kaya ba at mayroon na bang alternatibong programa ang DENR at gobyerno sa mga apektado?

Kailangan ang pagrepaso at malinaw na employment transition plan ng gobyerno para sa mga minerong mawawalan ng trabaho upang suportahan ang mga manggagawa at upang masiguro na ang capacity building programs at trainings ay maibibigay upang matulungan silang makahanap ng bagong trabaho. Gayundin patibayin ang employment transition plan ng DOLE na Integrated Livelihhod and Emergency Employment Program, isang programang nagbibigay ng tulong sa mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho na resulta ng natural o gawa ng taong sakuna kabilang ang suspensiyon o pagsasara ng mga pinagtratrabahuan.

Mayroon palang pondo ng DENR na P6.93 bilyon para sa National Greening Program upang maayudahan ang mga trabahador na mawawalan ng ikabubuhay. Ang programang NGP ay isang ambisyosong multi-year project upang maibalik ang luntian ng nakalbo at nasirang kagubatan, kabilang ang coastal mangroves.

Napakaganda sana ng mga programang ito ng gobyerno, subalit kailangan pang ito ay mapatunayan kung ito mapapakinabangan ng dapat makinabang o baka iba lang ang makinabang. Dapat maging totoo at malinaw ang magiging “safety nets” ng mga kawawang mawawalan ng trabaho at mga dumedepende sa kanila dahil malaking epekto ito sa gobyerno lalo na sa lipunan.

Nagbigay naman ng palugit na panahon si Secretary Lopez sa mga kumpanya ng minahan upang sagutin o umapela sa Pangulo at sinabing na kay Pangulong Duterte na ang huling kapasiyahan sa magiging kapalaran ng mga minahang ito. AT kung sakali mang pagbigayn ni Pangulong Duterte ang mga minahan at maging pabor ang kaniyang desisyon para sa kanila ay dapat sa prinsipiyong sinasandalan ni Secretary Gina Lopez ay mahinahon at makatao niya itong tanggapin, dahil kung tutuusin ay hindi lamang kay Pangulong Duterte siya may obligasyon kundi maging sa mga taong mawawalan ng ipapalaman sa kanilang mga sikmura sakaling hindi na mapigilan ang kaniyang utos. Pmcjr.