NPA suspek sa pagpatay ng pulis, huli

CAMP BADO DANGWA, LA TRINIDAD, BENGUET -Matapos ang halos dalawang taong pagtatago ay nahuli ang diumano ay miyembro ng New Peoples Army (NPA) na pumatay sa isang opisyal na pulis na naaresto sa Parapad, Ambiong, La Trinidad, Benguet noong Pebrero 8, 2017.
Nahuli ng mga operatiba ng Police Regional Office Cordillera si Jacinto Faroden alyas Digbay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Joseph Patnaan ng RTC, Branch 35, First Judicial Region, Bontoc, Mt. Province sa kasong frustrated murder na may piyansang P200,000.
Si Digbay ay nasa No. 70 sa Periodic Status Report on Threat Groups (PSRTG) para sa 4th Quarter ng 2016 at kabilang din sa watch list ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) Marco sa Mt. Province.
Matatandaan na ang suspek at kanyang mga kasama, na sa ngayon ay hindi pa nahuhuli, ay inambush si SPO3 Wilfredo Degay habang nagmamaneho ito sa Provincial road ng Sitio Dugo Brgy. Poblacion, Sagada, Mt. Province noong Pebrero 21, 2015. Kasama niya ang kanyang pamangkin na nakaligtas sa ambush.
Sa kasalukuyan ay pinapangunahan ng PROCor ang isang Regional Joint Peace and Security Coordinating Council (RJPSCC) Meeting sa magkakaibang law enforcement agencies upang talakayin ang suspension ng offensive military/police operation at ang nagaganap na sagupaan ng AFP at NPA sa ilang bahagi ng Mindanao.
Hinihimok ng PROCor ang lahat ng mga armadong rebelde na iwanan na ang armadong pakikibaka at magbalik sa kanilang pamilya at sa halip na pakikibaka ay makipagtulungan ang mga ito sa mga pulis sa pagprotekta at paglilingkod sa bansa. ABN

Amianan Balita Ngayon