‘Obstruction of Justice’ ikinaso sa Barangay Chairman sa Kalinga

LA TRINIDAD, Benguet – Nahaharap ngayon sa kasong administratibo at kriminal ang incumbent barangay chairman sa bayan ng Tinglayan, Kalinga, makaraang harangin at bawiin nito ang limang kalalakihan na nahuli ng pulisya habang aktong nagtatanim ng marijuana.
Sinabi ni Capt. Marnie Abellanida,deputy information offier ng Police Regional Office-Cordillera, magkasanib na nagsampa ng kaso ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Kalinga Field Unit at Kalinga Provincial Police Office, laban kay Leon Lammawen Baydon, Barangay Cairman ng Barangay Buscalan, Tinglayan, Kalinga.
Sa kasong administrative case for Grave Misconduct ay isinampa sa Office of The Deputy Ombudsman for Luzon,noong Mayo 20, samantalang ang kasong kriminal sa paglabag sa Presidential Decree 1829 (Obstruction of Justice) ay isinampa sa tanggapan ng Provincial Prosecutors Office, Justice Hall Bulanao, Tabuk City noong Mayo 23.
Ayon kay Abellanida, noong Abril 25, 2022, inaresto ng mga tauhan ng PNP Regional Mobile Force Battalion 1502nd Maneuver Company ang limang kalalakihan sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, RA 10591 at COMELEC Gun, matapos mahuli sa aktong naglilinang ng marijuana sa isinagawang operation sa bulubunduking bahagi ng Buscalan, Tinglayan, Kalinga.
Habang naglalakad padaan sa Centro Buscalan ang mga pulis at naarestong suspek ay hinarang umano sila ni Baydon, kasama ang may 150 local residents na pawang may mga hawak na itak at sapilitan kinuha ang limang suspek at mabilis na umalis sa lugar.
Ayon kay Abellanida, tahimik na umalis ang mga pulis sa nasabing barangay upang maiwasan ang anumang insidente na posibleng maganap.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon