‘Oplan Kapayapaan’ vs. ‘Oust Duterte Movement’

Bago maupo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte  noong 2016 ay pumirma siya sa isang joint statement kasama ang Communist Party of the Philippine-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF) kung saan nakapaloob ang general amnesty proclamation at pagpapalaya sa mga political prisoners at ang muling pagkakaroon ng “peace talks” na naitakda ng Hulyo noon sa Oslo, Norway.
Nakita ito ng marami na mahalagang hakbang upang mabuksan muli ang usapang makamit ang tapat at pangmatagalang kapayaan sa kalahating siglo nang labanan ng gobyerno at maka-kaliwang grupo. Napansin ang pagiging malapit ni Duterte sa mga maka-kaliwa at hinirang pa ang ilang matataas na lider nito sa kaniyang gabinete, subalit umasim ang matamis na sanang relasyon nang sa kabila ng nabuksang linya ng usapang pangkapayapaan ay nagsasagawa pa rin ng mga opensiba ang magkabilang partido, nag-aakusahan at di-magkasundo sa kani-kaniyang mga kundisyon.
Sa kabila nito ay pinipilit pa rin na iusad ang “peace talks” sa anumang paraan, kailan at kung saang lugar (bagama’t nais ng pangulo na sa Pilipinas dapat gawin) hanggang kinansela na nga ni Pangulong Duterte ang usapan at sa pahayag ni Jose Ma Sison ng CPP-NPA-NDF na hindi na sila makikipag-usap sa administrasyong Duterte at maaari pa raw sa isang bagong administrasyon – mukhang malabo na naman ang “peace talks”.
Ngayon ay nabunyag ang mga plano ng bawat panig – pupulbusin daw ni Pangulong Duterte ang NPA sa ilalim ng kaniyang “Oplan Kapayapaan” at “Oust Duterte Movement” na tatlong taon na raw plinano ni Joma Sison. Parehong bago matapos ang taong ito gustong mangyari ang mga balak ng magkalabang panig, na kung totoo nga ito ay malaking pangamba at ligalig na naman ang haharapin ng sambayanang Pilipino. Minaliit ni Pangulong Duterte ang kakayahan ng CPP-NPA-NDF na patalsikin siya sa puwesto sa kabila ng pahayag ni Secretary Roque na may balitang maaaring pumanig ang “ilang pari” sa hakbang ng makakaliwa na bunsod marahil sa maaanghang na puna at pahayag ng pangulo sa simbahang Katoliko hanggang sa diumano’y paglapastangan niya sa Diyos. Ito kaya ang nagbigay lakas-loob kay Joma na ipahayag na ang Oplan Kapayapaan ni Duterte ay hahantong lamang sa kabiguan dahil may naaamoy siyang mga kakampi sa simbahan?
Hindi na bago sa atin ang inukit ng kasaysayan sa ating bansa, lalo na politika. Walang nagtagumpay na himagsikan kung walang sapat na puwersa at walang hakbang na pagpapatalsik sa isang gobyerno kung wala ang nakakaraming mamamayan na sasali dito. Malaki ang naging papel ng simbahang Katoliko at mga prominenteng lider nito sa mga panawagan at paglulunsad ng malawakang aksiyon kasama ang mga personalidad na nais sumakay at samantalahin ang sitwasyon sa pansariling interes. Kapag muling maniwala ang ilang mamamayang Pilipino sa diumano’y pagsasanib puwersa ng grupo ni Joma at “ilang pari” ng simbahang Katoliko ay baka bumalik na naman tayo sa nakaraan at di na makausad kung muli ay pababagsakin ang kasalukuyang gobyerno?
Kalahating siglo ng nakikipaglaban ang grupo ni Jose Ma Sison at ilang pangulo na ba ang sumakit ang ulo sa pakikibaka sa kanila? Bukas pa naman ang hapag ng pag-uusap at bakit napakahirap sumang-ayon ang dalawang panig sa mga kundisyon ng bawat isa? Iniluklok ng nakakaraming Pilipino si Pangulong Duterte sa isang demokratikong sistema na may mandatong anim na taong paglilingkod. Bakit hindi natin bigyan ang administrasyong ito ng pagkakataong tapusin ang kaniyang termino at saka natin siya husgahan?                                           PMCJr.

Amianan Balita Ngayon