14 wanted persons, arestado ng Region 1 police

Bumagsak sa kamay ng batas ang 14 indibidwal na tinutugis ng pulis sa magkakaibang operasyon sa Rehiyon 1 noong Hulyo 3.
Sa Pangasinan, arestado ng mga pulis ng Bugallon bandang 8:35am ang suspek na Rolando Tuazon Ferrer, 58anyos, engineer at residente ng Brgy. Poblacion, Bugallon, Pangasinan sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba noong Hunyo 19, 2018 sa kasong failure to obey summon.
Arestado rin si Roldan Manaois Castro, 51 anyos at residente ng Brgy. Camaley, Binmaley, Pangasinan ng Binmaley PS bandang 9:30am sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Hunyo 27, 2018 sa kasong serious physical injuries.
Samantala, naaresto ng Sison PS ang suspek na si Ferdinand Campos Gorospe, 53 anyos at residente ng Brgy. Cabaritan, Sison, Pangasinan bandang 10:30am sa parehong barangay sa bisa ng warrant of arrest noong Mayo 25, 2018 sa kasong falsification of public documents.
Arestado rin ng Dasol PS ang mga suspek na pawang residente ng Brgy. Poblacion, Dasol, Pangasinan na kinilalang sina Alfredo Bristol Tawatao, 28 anyos, caretaker, at Cleofe Calamno Pacis, 37 anyos, housekeeper, bandang 5:30pm; at ang mga suspek na sina Melanie Aquino Calamno, 44 anyos, housekeeper, at Maricar Calamno Cacho, 28 anyos, bandang 11:30pm sa Sitio Lubigan, nasabing barangay sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Hunyo 25, 2018 sa kasong paglabag sa PD 1602 o Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling.
Sa La Union, naaresto ng pinagsamang tauhan ng Tubao PS (lead unit) at Baguio City Police Office ang suspek na si Romulo Tavarra Haloot Jr., 31 anyos, tricycle driver at residente ng Brgy. Magsaysay, Tubao, La Union, bandang 3pm sa Brgy. Poblacion, Tubao, La Union sa bisa ng warrant of arrest sa kasong RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Dakong 3:45pm ng parehong araw, naaresto ang suspek na si Mario Agbuya Lachica, 58anyos, negosyante at residente ng Brgy. Patac, Santo Tomas, La Union, ng mga tauhan ng Sto. Tomas PS sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong March 2, 2009 sa kasong estafa.
Arestado rin ang suspek na si Rowena Cuaresma Rimando, 41 anyos at residente ng Brgy. Baraoas Sur, Naguilian, La Union, ng mga tauhan ng Naguilian PS bandang 5:30pm sa Brgy. Ortiz, Naguilian, La Union sa bisa ng warrant of arrest noong Mayo 10, 2018 sa paglabag sa kasong BP 22 o Bouncing Checks Law.
Samantala, arestado ang si Roland Oliva Victore (na kabilang sa Top Most Wanted ng Municipal Level sa top 7), 23 anyos at residente ng Brgy. Lettac Norte, Santol, La Union bandang 5pm ng pinagsamang miyembro ng Santol PS (lead unit) at La Union Police Intelligence Branch (LUPIB) sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Agosto 2, 2016 sa kasong rape na may kaugnayan sa RA 7610 o Law Against Child Abuse.
Inaresto ng pinagsamang miyembro ng Bauang PS (lead unit) at Provincial Investigation and Detection Management Branch (PIDMB) ang suspek na si Honesto Orcilla Bengson, 52 anyos at residente ng Brgy. Urayong, Bauang, La Union bandang 3pm sa Brgy. Central East, Bauang, La Union sa bisa ng warrant of arrest noong Enero 17, 2007 sa kasong homicide.
Sa Ilocos Sur, naaresto ang suspek na si Jonel Rabino Malapit (kasama sa Top 10 Most Wanted Person ng Provincial Level), 21 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Babayoan, Sta. Cruz, Ilocos Sur, bandang 10am ng pinagsamang miyembro ng Provincial Intelligence Branch (PIB), PIDMB, Sta. Cruz PS, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Ilocos Sur, Maritime Ilocos Sur at HPG Ilocos Sur, sa kaniyang tahanan sa kasong rape.
Bandang 7:30pm, naaresto ng mga miyembro ng Sugpon PS ang suspek na si Reynante Lagipis Dapioaen, 40 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Poblacion, Sugpon, Ilocos Sur, dahil sa paglabag sa RA 7610 o Law Against Child Abuse at kasong rape.

Amianan Balita Ngayon