LUNGSOD NG BAGUIO – Isang ordinansa na nagbabawal sa pagdisplay, pamamahagi, pagbebenta o pag-aari ng mga laruang armas ang nakasalang ngayon para sa pag-aaral ng Sangguniang Panlungsod (SP).
Ang mungkahing panukala na iniakda ni Councilor Leandro B. Yangot Jr. ay layunin na puksain ang walang patnubay na paglalaro ng mga bata sa laruang gaya ng mga delikadong armas. Malaki ang maitutulong nito sa pagdidisiplina ng mga bata sa kanilang paglaki at bilang kabataan pagdating ng araw sa lungsod. Konektado rin ito sa kaayusan at kapayapaan ng Baguio dahil ito ay mga bagay ukol sa kaligtasan.
Ayon sa mungkahing panukala, dumarami na ang paglabas ng iba’t ibang laruan ng mga bata kabilang na dito ang mga toy firearms at armas tulad ng baril na may plastic pellets na bala, kutsilyo, balisong, knuckles at iba pang laruan na mapanganib sa mga bata.
Natural lamang ang pagkakaroon ng laruan ng mga bata ngunit may mga ibang magulang ang hinahayaan ang mga anak na gamitin ang mga laruang armas sa pananakit ng iba. Ang pagpapahintulot sa mga laruang armas sa mga bata ay maaring magdulot ng kanilang kasanayan sa karahasan, agresibong pag-uugali at gender stereotypes sa murang edad.
Ibinubukod ng panukala ang mga laruang armas na ginagamit para sa television programs at theatrical play kung ang mga ito ay sang-ayon sa batas. Pinapayagan naman ang pagbenta at paggamit ng “waterguns” pero kailangang ito’y transparent o gawa sa translucent materials.
Kapag naaprobahan ang panukala, tungkulin ng Baguio City Police Office kasama ang mga opisyal ng barangay ang mahigpit na pagpapatupad ng toy weapon and firearm imitation ban ordinance.
Pinapatindi rin ang samahan sa City Schools Division Office at iba pang ahensyang may kaugnayan sa pagpapatupad ng ordinansa.
Ang sinumang lumabag sa nasabing batas sa unang pagkakasala ay pagbabayarin ng P1,000; sa pangalawang paglabag ay P2,000; at sa pangatlong paglabag o mahigit ay P3,000 o isang buwang pagkakulong depende sa ipapataw ng korte. Kabilang na rito ang pagkumpiska sa mga laruang armas. DEBORAH AQUINO, UC INTERN
July 6, 2018