Seguridad ng turista sa Baguio, paiigtingin

LUNGSOD NG BAGUIO – Inaasahan na lalo pang iigting ang pagbibigay ng seguridad sa mga turista at pagpapanatili sa imahe ng lungsod bilang isa sa pinakaligtas na lungsod sa Southeast Asia matapos na nilagdaan ng city government, Department of Tourism-Cordillera at Police Regional Office Cordillera ang isang memorandum of agreement (MOA) sa CDRRMC Multi-purpose Hall, Engineering Office, Lower Rock Quarry noong Miyerkules ng hapon (Hunyo 27).
Nakasaad sa MOA na ang DOT-CAR ang magiging pangunahing ahensya ng gobyerno na responsible sa paghikayat, pagpapalaganap at pagdevelop ng turismo bilang pangunahing “socio-economic activity” na nakakapag-ambag ng foreign currency at mga trabaho, mapa-pribadong sektor man o hindi.
Kailangang magkaroon ng plano at estratehiya ang tourist police upang sa gayon ay maiwasan ang kriminalidad sangkot ang mga turista at ito rin ay para mapabuti nila ang kanilang abilidad sa pagbibigay ng mabuti at agarang police assistance sa mga turista.
Para sa mabuti at epektibong implementasyon ng TOP-COP sa lungsod ng Baguio, kailangang tugunan ng city government ang mga pangangailangan ng mga tourist police tulad ng mga motorsiklo, bisikleta, handheld radios, at iba’t ibang communication equipment.
Ayon kay Mayor Mauricio Domogan, para balik-balikan ng mga turista ang Baguio City ay kailangang pagsilbihan ang mga ito at itrato bilang mga VIP o very important persons. Dagdag pa niya na kailangang pakaingatan at pahalagahan ang reputasyon ng lungsod bilang isang mapayapang lugar.
Samantala, nagsagawa naman ang mga tourist police ng skills enhancement seminar para mapabuti ang kanilang abilidad bilang gumagabay sa mga dumadayong turista.
Ayon kay DOT-CAR Supervising Tourism Operations Officer Mary Bilagot, ang nasabing training ay isinagawa bilang pagtugon sa memorandum of agreement ng PNP at DOT-Central Office na kailangang gawing organisado ang kapulisan lalo na sa mga tourist destinations sa bansa.
Dagdag pa niya, ito rin ay isinagawa bilang pagsuporta at pagpapatibay sa peace and order sa lungsod. ROMELO DUPO III, UC INTERN

Latest News

Amianan Balita Ngayon