Otso Deretso naging “Zero Deretso”?

Wow mga pards, grabe na ang kantiyawan sa resulta ng katatapos na eleksiyon. Meron ngang isang nag-joke na “otso na, napulet pa”. Yan ay sa kartada ng sugal o larong baraha na “lucky nine”.

Sabi naman ng ilan, papano daw kasi eh, puros batikos at pambubuska ang ginawa ng “otso deretso” sa administrasyon pati na sa mga kandidato nito.

Tsk tsk, pulitika nga naman. Napakaraming mukha. May mukhang ayos na parang santo, meron namang desungay na ayos demonyo.

Ganyan talaga ang eleksiyon sa Pilipinas. Masalimuot, marikititos, mabusisi, magastos, mapanghimasok, nalilimot ang tamang asal, naiitsapuwera ang respeto o galang, at higit sa lahat, madugo!
******
Sa likud ng balitaktakan at umaatikabong banatan ng mga kandidato, humupa rin sa wakas matapos malaman at makita ang resulta. Bakit, ano bang nangyari?

Yung mga maiingay at mapangbuskang husga kontra sa mga kandidato ng administrasyon ay nawala sa eksena. Hindi sila nakahabol sa bilangan sa Senado at ganun din sa maraming lugar sa
bansa.

Ano ang ibig sabihin? Iisa, pards. Mas naniwala ang mga botante sa karisma at nagampanan ng Duterte administration. Hindi sila nasilaw sa mga paninira ng mga kalaban – ang dilawan at pulahan, ika nila.

Kahit sa mas mababang mga posisyon, kita ang lakas ng mga bata ng administrasyon at malayong iniwan sa labanan ang mga kontra.

Isang patunay na marami pa rin ang naniniwala kay Pres. Duterte kahit may mga enendorso naman siyang hindi nakalusot gaya nina Freddie Aguilar, Mangudadatu at iba pa.

Ang maliwanag, walang nakalusot na taga-”otso deretso”. Tapik nga ng isang joke: bokya!
******
Tapos na ang proklamasyon sa mga nanalong senador. Aabangan na lang natin kung ano at papano ang kanilang estilo sa panunungkulan.

Tiyak na hindi sila pababayaan ng administrasyon. Pero ang tanong: hindi lang sila ang mga nasa Senado. Meron pang mga datihan na bagama’t mistulang kakarampot na lamang sila.

Natural din na meron pa ring tinig ng oposisyon doon. Ano kaya ang mga eksenang aabangan? Kampante pa rin kaya ang mga oposisyonista sa Senado sa kanilang pagiging “fiscalizers”?

Alam ng lahat na ang mga maboka sa Senado ay graduating na rin kung kaya’t tiyak na mawawala na sila sa eksena pagkatapos ng election sa 2022.

Kaya nga’t ang mga ibang senador ay naging kongresista at gobernador sa kanilang mga probinsiya. Babalik pa kaya sila sa Senado sa 2022?

Yan ang dapat nating silipin sa hinaharap. Tiyak na gagawa at gagawa sila ng ingay upang mapansin muli sila. O, di ba, ang mga kumandidatong senador ay lumikha ng sangkatutak na ingay at mga kontrobersiya bago ang eleksiyon. Ganyan ang estilopinoy.

Sabi nga ng ilan – “estilong panis”.
******
Habang isinusulat ang espasyong ito, katatapos lang ng ginawang pagsasapubliko ng sampung matitinik na kadete ng Phil. Military Academy sa Baguio.

Sila ang tinaguriang “Top 10” para sa 2019 Class graduation. At sa puntong ito, masaya tayong nagbubunyi sa pagkakapasok ng “apat” na taga-Cordillera sa Top 10, maliban pa sa mga Cordilleran na tatanggap ng special awards.

Nalaman din nating sa PMA Graduation ay may limang babae ang nakapasok sa Top 10. Kaya dapat na nating tanggapin ang kasabihang ang kayang gawin ng lalaki ay kaya ring gawin ng mga babae.

Sabagay, sa Kapulisan na lamang ay napakarami na ng babae.

Amianan Balita Ngayon