OWWA magbibigay ng cash relief sa pamilya ng OFWs, Set. 25-28

LUNGSOD NG LAOAG – Mamamahagi ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na naka-base sa San Fernando City, La Union ng relief assistance sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers na naapektuhan ng bagyong Ompong sa Setyembre 25-28 sa Capitol cafeteria.
Ayon kay OWWA Regional Director Gerardo Rimorin, ang ahensiya ay naglaan ng halos P5 milyon na calamity assistance.
“Only one OFW per family is entitled for the program. We give P3,000 for active OWWA member and P1,500 for inactive member,” ani Ramorin.
Upang masiguro ang maayos na daloy ng transaksyon, inanunsiyo ni Rimorin na mayroon silang itinakdang petsa sa bawat bayan ng probinsiya para sa payment claim.
Mula sa inisyal na assessment sa mga nasira ng bagyo mula sa Provincial Resiliency Office sa ilalim ng pamahalaan ng Ilocos Norte, nag-anunsiyo ang OWWA na ang mga kwalipikadong claimants mula Batac City ay maaaring magpunta sa Capitol cafeteria sa Setyembre 25-26 at Currimao sa Setyembre 27-28.
Ang susunod na iskedyul para sa ibang mga lungsod at munisipalidad ay ihahayag agad.
Ang mga kinakailangang dokumento ay ang mga sumusunod:
Para sa mga claimant na OFW, siya ay kinakailangang mag-accomplish ng claim form na may deklarasyon na walang ibang OFW sa kaniyang pamilya na nag-avail ng assistance, 2×2 ID picture ng OFW at photocopy ng valid ID.
Kung ang claimant ay asawa, siya ay kinakailangang magpakita ng photocopy ng marriage contract kasama ang duly accomplished na claim form, 2×2 ID picture at photocopy ng ID na may nakalagay na address.
Kung ang claimant ay anak ng hindi pa ikinakasal na magulang ng OFW at nasa tamang edad, siya ay kinakailangang magpakita ng photocopy ng kaniyang birth certificate kasama ang duly accomplished claim form, 2×2 ID picture at photocopy ng ID na may kasamang address.
Kung ang claimant ay guardian ng menor de edad na bata ng OFW, siya ay kinakailangang magpakita ng authorization form mula sa OFW, photocopy ng birth certificate ng menor de edad, photocopy ng valid ID/passport ng guardian at ng OFW na may kasamang address, kabilang ang 2×2 ID picture ng claimant at claim form.
Kung ang claimant ay magulang ng hindi pa naikakasal na OFW, siya ay kinakailangang magsumite ng photocopy ng birth certificate ng OFW, 2×2 ID picture ng claimant at photocopy ng valid ID ng claimant na may address.
Para naman sa kapatid ng hindi pa naikakasal na OFW, ang claimant ay kinakailangang magsumite ng photocopy ng birth certificate ng OFW at ng claimant, authorization mula sa OFW, photocopy ng valid ID/passport ng OFW at ng claimant na may address, kabilang ang 2×2 ID picture ng claimant at claim form.
Sa panahon ng pananalasa ng Typhoon Lawin (Haima) noong 2016, namahagi rin ang OWWA ng cash relief sa mga kwalipikadong pamilya ng mga OFWs. L.ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon