P1.5M reward para sa Lao murder case

LUNGSOD NG BAGUIO – Umapela ang mga Filipino-Chinese community sa mga law enforcement agencies na muling tutukan ang kasong pagpatay sa negosyanteng si Henry Lao noong 2015, para madakip at mabigyan ng katarungan ang pamilya nito.
Nabatid na ang reward na P1milyon para sa ikalulutas ng kaso ay itinaas na sa P1.5milyon, ayon sa Guardians Reform Advocacy for Cooperation and Economic Prosperity Inc. (Grace-Guardian), ang grupong tumutulong sa peace and order at development sa bansa.
Ayon kay Grace-Guardian National Chairman Isagani Nerez, nakipag-ugnayan na siya sa PNP, NBI, CIDG at iba pang law enforcement agencies, na muling tutukan ang imbestigasyon ng kaso ni Lao, para ipakita sa publiko na hindi isinasantabi ang kasong ito, na nagdulot ng malaking isyu sa usaping peace and order sa lungsod.
Aniya, umaasa pa rin ang pamilya ni Lao na mabibigyan sila ng katarungan at ang pagtaas ng reward ay hindi mahalaga sa kanila, kundi ang malutas ang kasong ito.
Matatandaan, noong Disyembre 1, 2015, ang biktimang si Henry Lao,68, kilalang may-ari ng Tiongsan Bazar, Enrico Hotel at mga trucking services, ay natagpuang patay dakong 10:30 ng umaga sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Ferdinand, Baguio City.
Nagtamo ito ng 34 na saksak ng patalim sa iba’t ibang parte ng katawan nito at dahil sa nag-iisa sa bahay at walang CCTV sa loob at labas ay bigo ang pulisya na makilala ang salarin. Hinihinalang kinuha ng suspek ang pera sa wallet nito at cellphone.
“May mga person of interest na tinututukan ang pulisya sa kasong ito, pero kulang sa witnesses para malaman kung sino sa kanila. Umaasa tayo sa pagtaas ng reward ay makatulong ito para malutas ang kasong ito,” pahayag pa ni Nerez.
Nanawagan din ito sa mga may nalalaman sa kaso na huwag ikubli ang krimeng ito at makipagtulungan sa pulisya sa pagtawag sa kanilang himpilan BCPO Invest 661-1483; CIDG-Cordillera 424-3450 and NBI-Cordillera 304-5097/4074. Zaldy Comanda / ABN

Amianan Balita Ngayon