P21.5-M DROGA NASAMSAM, 10 DRUG PUSHER ARESTADO SA CORDILLERA

CAMP DANGWA, Benguet

Matagumpay na nasamsam ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang mahigit sa P21 milyong halaga ng iligal na droga, kasabay ang pagkakahuli sa sampung drug personalities sa isang linggong serye ng anti-illegal drug operations na isinagawa mula Abril 14 hanggang 20. Iniulat na ang kapulisan ay nakapagsagawa ng 34 na magkakahiwalay na operasyon na humantong sa pagkumpiska ng malaking dami ng marijuana, kabilang ang 51,025 fully grown marijuana plants, 1,200 seedlings, at 93,605 dahon at fruiting tops, kasama ang 12.25 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na P21,568,900.00.

Gayundin, sa 10 naarestong drug personality, tatlo ang kinilala bilang High Value Individuals (HVI) at pito bilang Street Level Individuals (SLI). Ang pinakamahalagang operasyon ay naganap sa lalawigan ng Benguet, kung saan nagsagawa ang Benguet Police Provincial Office (PPO) ng 23 marijuana eradication operations at isang buy-bust operation, na humantong sa pagkumpiska ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P16,878,700.00 at pagkakaaresto ng isang SLI. Ang mga nagawang ito ay sinundan ng Kalinga PPO, kung saan nagsagawa sila ng apat na marijuana eradication operations, dalawang search warrant, at isang buy-bust operation, na humantong sa pagkumpiska ng droga na may kabuuang SDP na P3,709,200.00 at pagkakaaresto ng isang HVI at tatlong SLI. Dagdag pa rito, nagsagawa ng tatlong buy-bust operation ang Baguio City Police Office na nagresulta sa pagkumpiska ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tatlong gramo na nagkakahalaga ng P981,000.00 at pagkakaaresto ng dalawang HVI at tatlong SLI.

Amianan Balita Ngayon