P3-B proyekto ng DPWH sa Pangasinan, tapos na

ROSALES, PANGASINAN – Ipinagbigay-alam ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 3rd Pangasinan Engineering District Office ang pagtatapos ng 306 infrastructure projects sa probinsiya na nagkakahalaga ng P3.14 bilyon.
Sa isang panayam noong Martes (Enero 15) kay district engineer Gerardo de Guzman ng 3rd Engineering District ay sinabi niyang sa kabuuang bilang ng proyekto, 29 barangay health stations (BHS) ang naipatayo, habang pito ay kasalukuyang ginagawa pa. Dalawang rural health units (RHU) ang natapos na rin at lima ang kasalukuyang ginagawa.
Sinabi ni de Guzman na ang mga BHS at RHU ay nasa Bautista, Urdaneta City, Asingan, Rosales, Balaungao, Natividad, San Nicolas, San Quitin, Sta. Maria, Tayug, Umingan, Alcala, Villasis, Pozzurubio at Binalonan.
Ang mga ito ay bahagi ng health facility enhancement program ng Department of Health, ayon pa kay de Guzman.
Sa ilalim ng farm-to-market road projects ng Department of Agriculture ay 17 ang natapos na sa Alacala, Bautista, Binalonan, Balungao, Asingan, Tayug, Umingan, at San Nicolas, habang dalawang proyekto ang kasalukuyang ginagawa sa Laoac at Barangay Sta. Cruz, Umingan.
Dagdag pa ni de Guzman na 29 sa mga school building projects sa distrito ay natapos na, habang pito ang kasalukuyang ginagawa.
“The rest of the total number of projects in 2018 are regular infra(structure) construction, such as road constructions and flood control projects,” aniya.
Samantala ay nagpanukala ang DPWH 3rd Pangasinan Engineering District ng isang P3-billion funding para sa infrastructure projects ngayong taon.
“It will again include flood control projects on top of the regular infrastructure projects. We hope all our proposals would be approved,” dagdag niya.
H.AUSTRIA, PNA/PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon