P56M unang modernized barangay hall naging modelo sa Lungsod ng Baguio

Metro BLISTT

BAGUIO CITY – Pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong at iba pang opisyal ng lungsod ang pagpapasinaya sa kauna-unahang modernized barangay hall ng Bakakeng Central Barangay na may basketball court, sports center, day care center, senior citizens’ center, opisina, at evacuation center na may kabuuang pondong P56 milyon.

“Nais kong pasalamatan si Sen.Bato dela Rosa sa pondong ibinigay niya para sa pagtatayo ng modernong gusaling ito. Nais ko ring pasalamatan ang DPWH, BCDEO, CBAO, CEO, at Jomarcann General Construction sa pagkamit ng above-standard, mataas na kalidad na proyekto na nagsisilbing modelo ng ating mga katulad na proyekto sa lungsod,” pahayag ni Magalong.

Aniya, simula pa lang ito, halos handa na ang West Quirino Hill barangay hall; Irisan Barangay Hall at ang mga plano para sa Pacdal, Bayan Park, at Engineers Hill ay isinasagawa.

“We have to think big to achieve something big. Napakalaki po ng ating namumuhunan sa ating mga barangay hall para makapagbigay tayo ng matatag at matibay na evacuation centers para sa ating mga nasasakupan sakaling magkaroon ng kalamidad,” dagdag ni Magalong.

Ayon kay Magalong, mas maraming barangay multipurpose hall na may modernized features ang babangon sa lungsod kasunod ng pagkumpleto ng Bakakeng Central structure na nagsisilbing pamantayan para sa mga katulad na proyekto.

Ayon naman kay Architect Johnny Degay, ng City Buildings and Architecture Officer, inaasahang matatapos ang Quirino Hill barangay hall ngayong Mayo habang ang barangay ng Irisan ay nagsimula na at naka-target na matapos ngayong taon.

“Parehong mas maliit sa lugar ngunit magkakaroon ng katulad na mga tampok sa Bakakeng Central.” Aniya, sa natapos na Bakakeng Central hall ay mga finishing touches tulad ng fence, landscaping at generation system na lamang ang tatapusin.

Ang istraktura na nakakuha ng positibong feedback mula sa mga residente para sa kahanga-hangang kalidad at mga tampok nito ay nagsisilbing modelo para sa lahat ng mga barangay hall sa lungsod tulad ng naisip ni Mayor Benjamin Magalong.

Kasama dito ang iba pang amenities tulad ng basketball court, evacuation center, day care center, senior citizens office at iba pa.

Noon pa man ay binibigyang-diin ni Magalong ang kanyang layunin na itaas ang antas ng pagpapatupad ng proyektong pang-imprastraktura sa lungsod upang matiyak ang kalidad ng mga output at kabilang sa mga prayoridad ay ang modernisasyon ng mga barangay hall.

Zald Comanda/ABN