PAANO KUNG ANG SOBRANG TURISMO ANG SISIRA DIN SA TURISMO AT LUNGSOD

Inihayag at ibinulalas ang sama ng loob at pagkasiphayo ng mga residente ng Baguio sa patuloy na paglala ng trapiko sa lungsod dahil sa pagdagsa ng mga turista lalo na noong bago ang kapaskuhan. Bumaha ang social media ng mga reklamo at samo’t-saring komentrayo tungkol sa paanong ang masikip na trapiko ay nagdudulot ng abala sa mga mamamayan ng Baguio sa kanilang araw-araw na buhay.

Nadismaya rin ang mga residente dahil tila inuuna pa ng lokal na gobyerno ang interes ng mga
turista kaysa sa kanila. Inihalintulad pa nila ang nangyayaring bigat ng trapiko sa Baguio sa nakakainis na malalang trapiko sa Metro Manila. Daing pa ng maraming residente ay ang dating 15 hanggang 20 minutong biyahe nila papunta sa paaralan o opisina ay umabot na sa isang oras. Tuloy, ang nangyari ay napipilitang maglakad na lamang ang ilang residente.

Nanawagan pa ang iba na isara na lang ang border para sa mga turista at pumunta na lamang daw sila sa ibang mga tourist destinations para magbakasyon, dahil sa maliban sa trapikong dulot ay maraming basura pa raw ang iniiwan na nagkalat. Sa maraming taon ay nasanay na ang mga residente ng Baguio na dinarayo ang lungsod ng maraming bisita at turista, kinakaya pa noon, pero iba na ang sitwasyon ngayon dahil sobrang dami na ang umaakyat na tao nang sabay-sabay. Ayon sa city tourism office ay nasa 150,000 na tao ang bumibisita sa lungsod buwan-buwan, kapareho ng dami ng bisita bago ang pandemya ng COVID-19 at inasahang aabot sa 200,000 bawat buwan sa panahon ng kapaskuhan.

Isipin mon a lamang na ang isang lungsod na nakadisenyo para lamang sa sampung libo na tao ay pumapasan na ngayon ng halos 400,000 at dumaragdag pa ang 200,000 sa loon ng ilang araw
bawat buwan? May overtourism ba sa Baguio? Ang overtourism ay ang “pagsisikip” o pagsisiksikan ng mga tao mula sa sobrang mga turista, na nagreresulta sa alitan sa mga lokal na residente.

Binigyan kahulugan ng World Tourism Council (UNWTO) ang overtourism bilang “epekto ng turismo sa isang destinasyon, o bahagi nito, na labis na naiimpluwensiyahan ang nakikitang kalidad ng buhay ng mga mamamayan at/ o kalidad ng mga karanasan ng bisita sa isang negatibong paraan”. Ipinakikita sa depinisyon kung paano ang overtourism ay maaaring maranasan kapwa ng mga lokal, na tinitingnan ang turismo bilang isang nakakagambalang bagay na lalong nagpapahirap sa araw-araw na pamumuhay,gayundin ng mga bisita, na maaaring tingnan ang malaking bilang ng mga turista bilang isang istorbo o nakayayamot.

Ginamit lamang ang terminong ito na ganun kadalas mula noong 2015, ngunit ito na ang pinakakaraniwan na ginagamit na pahayag upang isalarawan ang negatibong epekto na iniuukol sa turismo. Noong 2018 ay isinalarawan ng CNN ang overtourism bilang isang “tourism backlash” sa mga popular na destinasyon, na pinag-uusapan ang maraming bagay na aktibong humihingi ng limitadong turismo. Ang paglago ng turismo ay maaaring humantong sa mga pag-aaway sa paggamit ng espasyo sa pagitan ng mga residente, mananakay, mga bisita sa araw at magdamag na mga turista.

Bagaman malaking atensiyon ang ibinibigay sa overtourism sa mga lungsod, maaari din itong magawa sa mga lalawigang destinasyon, o mga isla. May kaugnayan ang overtourism sa carrying capacity ng isang destinasyon at sa pagsisiksikan, kung napakaraming tao ang bibisita sa isng lugar para sa kaligtasan o kaginhawaan. Noong huling bahagi ng dekada 1970 ay tatlong pangunahing isyu na may kaugnayan sa labis-labis na paglago ng turismo ang kinilala: masyadong maraming
bisita; masyadong gambala (pag-iingay); at masyadong maraming pisikal na epekto (pagkasira ng kalikasan).

Bago pa ang pasko ay humingi na ng pasensiya si Mayor Benjamin Magalong sa lagay ng trapiko, subalit buwelta ng mga residente ay ilang taon na bang naririnig ang pasensiya na yan? Dekada 1970 pa lamang pala ay pinag-uusapan na ang epekto ng paglago ng turismo, subalit bakit hanggang ngayon ay tila wala pang tiyak na pagtugon lalo na sa trapiko? Tama, turismo ang pangunahing pinagkukunan ng yaman para sa kaban ng lungsod, subalit paano kung ang mismong pinagkukunan mo ng ikabubuhay ang sisira at papatay din sa iyong lungsod?

DEPED NEWLY HIRED

Amianan Balita Ngayon